MANILA, Philippines – Handa ang Department of Justice (DOJ) na pakinggan ang panig ni Sen. Robin Padilla sa alegasyong tumulong siya sa pagtakas ni Sen. Bato Dela Rosa, pero hindi na nito planong ipatawag ang senador.
Ayon kay Justice Sec. Fredderick Vida, sapat na ang mga naunang pahayag ni Padilla kung saan inamin nito ang kanyang naging papel sa insidente.
Ang Special Panel of Prosecutors na ang magtitimbang kung may nilabag na batas ang senador batay sa mga pahayag na iyon.
Kasabay nito, inaasahan ng DOJ na magsasampa na ng reklamo ang PNP-CIDG laban kay Padilla.
Tiniyak naman ni Vida na dadaan sa tamang proseso ang anumang reklamo at irerespeto ang karapatan ng lahat. Jocelyn Tabangcura-Domenden