MANILA, Philippines – Itinutulak ng Malakanyang ang mabilis na implementasyon ng mga pangunahing programa ng Department of Labor and Employment’s (DOLE) kabilang na ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), para suportahan ang paglikha ng trabaho.
Sa katunayan, nakipagpulong si Executive Secretary Ralph Recto kay DOLE Secretary Francis Tolentino sa Palasyo ng Malakanyang, araw ng Martes para magbigay ng direksyon ukol sa mas mabilis na implementasyon ng mga pinakamahalagang mga programa ng paggawa.
Ang miting ay idinaos isang araw matapos na ianunsyo ng Malakanyang ang pagkakatalaga kay Tolentino bilang hepe ng DOLE.
Pinag-usapan nina Recto at Tolentino ang direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bilisan ang inisyatiba na naglalayong lumikha ng mas maraming employment opportunities para sa mga filipino, ang sinabi ng Office of the Executive Secretary (OES) , araw ng Miyerkules.
Binigyang diin naman ni Recto ang kahalagahan ng strategic rollout ng TUPAD program, partikular na sa pagsuporta sa Brigada Eskwela.
Winika nito na dapat na tapikin ang mga TUPAD beneficiaries para mapabilis ang ‘maintenance, pagkukumpuni, at paglilinis ng mga public schools sa buong bansa bago pa ang pagbubukas ng klase.
Ang inisyatiba ayon kay Recto ay hindi lamang makatutulong na tiyakin ang kahandaan ng mga eskuwelahan kundi ang magbigay ng short-term employment para sa mga manggagawa na nangangailangan.
Siniguro naman ni Recto kay Tolentino ang buong suporta ng OES sa pagsusulong ng mga pangunahing programa ng departamento.
Kumpiyansa naman si Recto sa liderato ni Tolentino, sabay sabing siya ay “the right man for the job.” (KRIS JOSE)