BULACAN, Philippines – Natupok ang barangay hall, apat na silid-aralan at ilang kabahayan ang muntik nang madamay sa naganap na sunog sa bayan ng Balagtas nitong gabi ng Mayo 25.
Sa ulat ni Jose Val Ortega, Punong Barangay ng Pulong Gubat, ikinalulungkot nitong walang naisalbang anumang dokumento at maging sa mga gamit ay tuluyang nasunog.
Aniya, apat na classroom sa Marciano C. Rivera Elementary School ang nasunog at kasunod na nadamay ang kanilang barangay hall.
Nabatid din na may ilang kabahayan na muntik madamay subalit mabilis naagapan nang mga pamatay sunog.
Ipinagpasalamat ng lingkod bayan na walang naitalang nasaktan o namatay sa nasabing insidente.
Kaugnay nito, may ilang kabahayan ang nadamay subalit naagapan ng mga dumating na bumbero, ayon na rin sa impormasyon at base na rin sa mga komento ng ilang netizen sa Facebook post na nag-viral tungkol dito. (Dick Mirasol III)