Nais isulong ni Negros Occidental Representative Javier Miguel Benitez ang panukalang lilikha ng libre, pinagsama-sama, at AI-searchable na national database ng mga batas at jurisprudence sa Pilipinas.
Ayon kay Benitez, layunin ng panukala na magtatag ng digital public infrastructure para sa pagpapatupad ng batas at sistema ng hustisya sa bansa.
Tinawag ng mambabatas na isang “quiet injustice” ang umiiral na kalagayan sa legal system ng Pilipinas kung saan saklaw ang mga Pilipino ng mga batas na mahirap ma-access o matagpuan ng nakararami.
“We have ended up with two tiers of law in one Republic. One for those who can pay to understand it, and one for everyone else,” pahayag ni Benitez.
Sinabi ni Benitez na bagama’t libre namang makikita ang mga batas sa Official Gazette at Supreme Court E-Library, ang mga bersyong consolidated, updated, at searchable ay nasa ilalim ng mamahaling commercial subscriptions na hindi kayang bayaran ng ordinaryong mamamayan.
“A Makati firm pays without a second thought. A farmer in Victorias will never see it,” dagdag pa ni Benitez.
Iniangkla rin ng mambabatas ang usapin sa Article 3 ng Civil Code na nagsasaad na “ignorance of the law excuses no one.”
Ayon kay Benitez, kung maaaring papanagutin ng estado ang mamamayan dahil sa hindi pag-alam sa batas, may tungkulin din itong tiyaking naaabot at nauunawaan ng publiko ang mga ito. Binanggit din niya ang desisyon ng Korte Suprema sa kasong Tañada v. Tuvera na nagbibigay-diin sa kahalagahan ng publikasyon ng mga batas.
Batay sa datos ng World Justice Project, isa lamang sa limang Pilipinong nakararanas ng legal problem ang may access sa anumang legal assistance.
Tinukoy rin ni Benitez na umaabot sa 850,000 kaso kada taon ang hinahawakan ng Public Attorney’s Office sa tulong lamang ng humigit-kumulang 2,400 abogado.
Sa 2025 Rule of Law Index, nasa ika-97 puwesto ang Pilipinas mula sa 143 bansa sa buong mundo at ika-13 sa 15 bansa sa rehiyon.
Sa gitna ng posibleng pagtutol na magastos o komplikado ang proyekto, itinuro ni Benitez ang mga umiiral nang modelo sa ibang bansa kabilang ang libreng legal database ng European Union, India Code ng India, AustLII ng Australia, open law portal ng Kenya, at Legal Information Institute ng Cornell University na nagsisilbi sa tinatayang 30 milyong users kada taon. RNT