MANILA, Philippines – Itinanggi ng Malacañang na tinatarget ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga miyembro ng majority bloc sa Senado kasunod ng kinakaharap na mga kaso ng ilang senador.
Sa sidelines ng state visit ng Pangulo sa Japan, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na matagal nang umiiral ang mga isyu kina Senators Jinggoy Estrada, Joel Villanueva, at Rodante Marcoleta bago pa man mabuo ang 13-miyembrong majority bloc sa Senado.
“Ang mga issue sa kanila, hindi pa po nagkakaroon ng majority of 13, ito po ay na-issue na,” ani Castro.
Nauna nang inanunsyo ng Office of the Ombudsman na magsasampa ito ng kasong plunder laban kay Estrada sa Huwebes, habang “ripe” na rin umano para sa pagsasampa ang kahalintulad na kaso laban kay Villanueva. Nakakuha rin ang Ombudsman ng precautionary hold departure order laban kay Marcoleta kaugnay ng reklamong plunder.
Ayon kay Castro, mismong si Marcoleta umano ang umamin hinggil sa hindi pagdedeklara ng ilang donors sa kanyang Statement of Contributions and Expenditures o SOCE.
“Katulad po nung kay Sen. Marcoleta, ito naman po ay sa kanya mismo nanggaling, sa kanya mismo ang admission na hindi niya inilagay sa SOCE (Statement of Contributions and Expenditures) niya yung mga donors niya, nagkakahalaga ng P75 million,” aniya.
“Hindi ito nanggaling sa administrasyon at si Senator Marcoleta mismo ang nagbigay ng impormasyon kung sino-sino ba ang kanyang mga donors. Ang isa sa pinangalanan niya ay si Mike Defensor. So, hindi ito issue na ang administrasyon ang nagpupukol.”
Tungkol naman sa kaso ni Estrada, sinabi ni Castro na matagal na ring umiiral ang isyu bago pa mabuo ang majority bloc.
“Ang patungkol naman po kay Sen. Jinggoy, still hindi pa naman po nabubuo yung 13 na majority noong ito ay naipupukol sa kanila, hindi lamang sa kanya,” dagdag niya.
Iginiit din ni Castro na hindi makikialam ang Malacañang sa imbestigasyon ng Ombudsman.
“Sila mismo ang nagbigay ng mga impormasyon patungkol po dito. At kung may pag-iimbestigahang gagawin ng Ombudsman, ito po ay hindi paghihimasukan ng administrasyon,” aniya.
“Marami po dito ang nabibigay ng mga issues. So hindi po ito dapat maiugnay sa administrasyon dahil ito po ay matagal ng issue bago pa po nagkaroon ng 13 na miyembro na majority,” dagdag pa ni Castro. RNT