MANILA, Philippines – Kinumpiska ng Philippine Navy ang mahigit ₱113 milyong halaga ng smuggled na sigarilyo sa magkakahiwalay na operasyon sa Western Mindanao mula Mayo 23 hanggang 24.
Ipinatigil ng Naval Forces Western Mindanao ang dalawang barko na FB Sea Dragon at MPB Sea Horse malapit sa Tongkil Island sa Sulu noong Mayo 23.
Nasamsam ng mga tauhan ng Navy ang 282 kahon ng hindi dokumentadong sigarilyo na nagkakahalaga ng ₱42.7 milyon.
Kinabukasan, isa pang barko na MB Lappas ang naharang at nasamsam ang 473 master cases ng foreign-branded cigarettes na may halagang ₱70.9 milyon.
Ayon sa Navy, sa isinagawang boarding, inspeksyon, at beripikasyon, lumabas na walang kaukulang legal na dokumento at permit ang kargamento.
Dinala ang mga nasamsam na barko at kontrabando sa Naval Station Romulo Espaldon sa Zamboanga City para sa inventory at dokumentasyon bago ito ipasa sa Bureau of Customs para sa tamang aksyon. Mary Anne Sapico