Home METRO P162M marijuana sa Kalinga, nadiskubre

P162M marijuana sa Kalinga, nadiskubre

78
0

TINGLAYAN, Kalinga – Umaabot sa P162M halaga ng marijuana ang nasamsam sa panibagong tagumpay sa tuloy-tuloy na kampanya kontra ilegal na droga ng Police Regional Office–Cordillera Administrative Region (PRO CAR) matapos madiskubre at matuklasan ng pinagsanib na anti-drug operatives ang mga taniman ng marijuana sa Mt. Whatong, Brgy. Loccong, Tinglayan, Kalinga.

Batay sa ulat ng Regional Operations Division ng PRO CAR, natuklasan ng mga operatiba ang walong plantation site ng marijuana na sumasaklaw sa humigit-kumulang 52,000 metro kuwadrado.

Nakumpiska rito ang tinatayang 477,500 gramo ng pinatuyong tangkay, dahon, at namumungang bahagi ng marijuana, 456,000 ganap na tumubong halaman, at 338,000 punla ng marijuana, na may kabuuang SDP na P162.02 milyon.

Isinagawa ang operasyon sa ilalim ng OPLAN “Revisit Everest 2.0” sa direktiba ni Ericson D. Dilag, Regional Director ng PRO CAR, at personal na pinangunahan ni Ledon D. Monte, Deputy Regional Director for Operations.

Katuwang sa operasyon ang mga tauhan mula sa PDEA Kalinga, PIU at PDEU ng Kalinga PPO, mga himpilan ng pulisya at PMFCs sa lalawigan, PDMU Kalinga, RDEU, RID, RMFB15, at PRO CAR Squadron, kasama ang suporta mula sa PDEU Ifugao PPO at 2PMFC ng Benguet PPO.

Agad na binunot at sinunog sa mismong lugar ang lahat ng natagpuang tanim na marijuana.

Samantala, inaalam ng pulisya kung sino ang nasa likod ng pagtatanim ng marijuana sa naturang lugar. (Rey Velasco)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here