MANILA, Philippines – Dalawang menor de edad na may edad 12 at 8 taong gulang ang iniimbestigahan kaugnay sa pagkamatay ng isang 3-taong gulang na batang babae sa Natonin, Mountain Province.
Ayon sa pulisya, nakatanggap sila ng ulat na nawawala ang biktima bago ito natagpuang patay kinabukasan sa likod ng isang maliit na kapilya. Lumabas sa imbestigasyon na traumatic brain injury ang sanhi ng pagkamatay ng bata.
Ayon sa mga awtoridad, isinuko ng mga magulang ng dalawang suspek ang mga ito sa pulisya. Ayon sa ina ng 12-anyos na suspek, umamin umano ang kaniyang anak sa pag-atake sa biktima.
Lumalabas din sa imbestigasyon na nakainom umano ng alak ang dalawang menor de edad bago nila nakasalubong ang biktima.
Nasa kustodiya na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang 12-anyos na suspek, habang inirerekomenda rin na isailalim sa kustodiya ng DSWD ang 8-anyos na suspek.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente. Mary Anne Sapico