Negros Occidental – Isang nanay at ang kaniyang 1-taong gulang na anak ang nasawi matapos sumalpok ang isang truck sa kanilang bahay sa Don Salvador Benedicto, Negros Occidental, ayon sa mga awtoridad.
Base sa imbestigasyon, ang truck na kargado ng buhangin ay nawalan ng kontrol matapos umanong pumalya ang preno habang dumaraan sa kurbadang kalsada.
Ayon kay Police Captain Judesses Crisologo, tagapagsalita ng Negros Occidental Provincial Police Office, sa imbestigasyon ay lumalabas na nagkaaberya ang preno ng truck kaya nawalan ng kontrol ang driver.
Ayon sa mga saksi, diretsong sumalpok ang truck sa bintana ng bahay at tinamaan ang mga biktima sa loob.
Lima pang miyembro ng pamilya na nasa loob ng bahay ang nasugatan sa insidente. Ayon sa ulat, ang bata ay naglalaro malapit sa bintana nang mangyari ang aksidente.
Ayon kay Mark Verino, ama ng isa sa mga nasugatan, katatapos lamang umano nilang kumain ng tanghalian at natutulog na ang pamilya nang salpukin ng truck ang kanilang bahay.
Sinabi ng pulisya na hinihintay pa nila ang desisyon ng mga kaanak ng mga biktima kung magsasampa sila ng kaso laban sa driver. Mary Anne Sapico