Bulacan – Arestado ang isang indibidwal matapos mahulihan ng P34,000.00 halaga ng ilegal na droga sa buy-bust operation ng pulisya sa bayan ng Marilao nitong madaling araw ng Mayo 28.
Sa ulat ni PLTCOL Jordan Santiago, hepe ng Marilao Police Station, kinilala ang suspek na si alyas “Negro”, 27, residente ng Brgy. Lambakin.
Ayon sa ulat, ikinasa ang operasyon ng Station Drug Enforcement Unit ng istasyon bandang 12:30 ng madaling araw sa Brgy. Lambakin.
Nabatid na nakabili ang undercover operative sa target ng isang sachet ng hinihinalang shabu gamit ang P500 buy-bust money kaya agad itong inaresto ng mga pulis sa lugar.
Sa isinagawang body search, nakumpiska ang karagdagang sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na limang gramo at may standard drug price na P34,000.00.
Narekober din sa suspek ang caliber .38 Smith & Wesson revolver, dalawang live ammunition, sling bag, at buy-bust money.
Dinala ang suspek at mga ebidensya sa istasyon para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon habang inihahanda ang pagsasampa ng kaukulang kaso. (Dick Mirasol III)