Home HOME BANNER STORY Metro Manila, binaha sa malakas na pag-ulan

Metro Manila, binaha sa malakas na pag-ulan

92
0
(c) Erwin Abdao Balonso

MANILA, Philippines – Ilang pangunahing kalsada sa Metro Manila ang binaha matapos ang malakas na pag-ulan madaling araw nitong Huwebes.

Nitong pasado alas-3 ng madaling araw nang bumuhos ang malakas na ulan na nagpilit sa ilang motorcycle riders na sumilong sa EDSA.

Kabilang sa mga naapektuhan ang northbound lane ng EDSA-Balintawak na pansamantalang binaha bago humupa makalipas ang halos isang oras. Dahil dito, napa-menor at tumabi muna sa gilid ang ilang motorista.

Nakaranas din ng katamtamang pagbaha sa northbound lane ng EDSA sa bahagi ng Barangay Apolonio Samson at Muñoz area.

May ilang kabataan namang nakitang naliligo sa baha sa kabila ng panganib nito, habang agad na nilinis ng isang gasoline station attendant ang mga basurang bumara sa drainage system.

Pabugso-bugso rin ang ulan sa Roxas Boulevard sa Pasay at bandang alas-4 ng madaling araw ay bumuhos din ang ulan sa Maynila.

Gayunman, nanatiling walang pagbaha sa Taft Avenue corner UN Avenue hanggang Quirino Avenue, gayundin sa kahabaan ng España Boulevard.

Ayon sa PAGASA, itinaas nitong Huwebes ng umaga ang thunderstorm advisory sa Quezon City, Maynila, Valenzuela, Caloocan at Malabon. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here