Home HOME BANNER STORY Escudero sumagot sa Ombudsman sa pagkadawit sa flood control kickback scheme

Escudero sumagot sa Ombudsman sa pagkadawit sa flood control kickback scheme

80
0

MANILA, Philippines – Nagsumite na ng counter-affidavit si dating Senate President Francis “Chiz” Escudero kaugnay ng mga alegasyon na sangkot siya sa umano’y flood control kickback scheme, ayon sa Office of the Ombudsman.

Sa panayam sa radyo, sinabi ni Assistant Ombudsman Mico Clavano na sinagot na ni Escudero ang mga paratang laban sa kanya matapos umabot sa preliminary investigation ang reklamong plunder at graft.

“Ang lumabas po kahapon ay yung counter affidavit niya [Escudero]. Sumagot na po siya,” ani Clavano.

Ayon pa kay Clavano, kasalukuyang ikinukumpara ng Ombudsman ang reklamong inihain laban kay Escudero at ang kanyang sagot bago magpasya kung ibabasura ang kaso o magsasampa ng impormasyon sa Sandiganbayan.

“It is submitted for resolution pending kung meron pang isa-submit ang dalawang parties… ‘pag recommendation for filing ang naging recommendation, tsaka namin gagawan ng information na ipa-file na po sa korte,” dagdag niya.

Nauna nang naglabas ang Sandiganbayan Sixth Division ng precautionary hold departure order laban kay Escudero habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Nadawit si Escudero sa kontrobersiya matapos tumestigo si dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na umano’y humingi ng listahan ng mga proyekto para sa senador ang negosyanteng si Maynard Ngu noong 2024.

Ayon kay Bernardo, may P1.4 bilyong halaga ng proyekto sa Valenzuela, Marinduque, Oriental Mindoro at Quezon City na inihanda umano para kay Escudero kapalit ng 20 porsiyentong commitment fee.

Inihayag din ni Bernardo na dalawang beses umano siyang naghatid ng pera kay Escudero sa gusali ni Ngu sa Maynila — P160 milyon at kasunod na P120 milyon noong 2025.

Mariin namang itinanggi ni Escudero ang mga alegasyon at tinawag itong bahagi ng isang “demolition job.”

Samantala, sinabi rin ni Clavano na maaaring maharap si Senator Rodante Marcoleta sa kasong plunder dahil sa umano’y hindi pagdedeklara ng P75 milyong campaign donations sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Ipinaliwanag ni Clavano na maaaring maituring na plunder ang serye ng mga aksyon upang makalikom ng ill-gotten wealth na lagpas P50 milyon.

“May mga ibang acts din doon sa plunder law na walang kinalaman sa public funds… ‘Pag campaign period, bawal ka talaga tumanggap ng ganon kalaking halaga. Dahil ang nasa batas ay yung nominal gifts lang ang pwede mo kunin or pwede mo tanggapin,” ani Clavano.

Nauna nang naglabas ng precautionary travel ban ang Sandiganbayan Seventh Division laban kay Marcoleta at ilan umanong campaign contributors nito, kabilang si dating Quezon City Rep. Michael Defensor at dalawang negosyante.

Tinawag naman ni Marcoleta na “trumped-up” charges ang mga reklamong inihain laban sa kanya at sinabing layunin umano nitong “punish dissent.” Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here