MANILA, Philippines – Target ng pamahalaan ng Pilipinas na makapag-export ng pomelo sa Japan bago matapos ang 2026, ayon sa Department of Agriculture (DA) bilang bahagi ng pagpapalawak ng kalakalan sa isa sa pangunahing merkado ng bansa.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., tinalakay ang panukala sa pulong nila ni Japan Minister of Agriculture, Forestry and Fisheries Norikazu Suzuki, kung saan pinag-usapan ang pagpapalakas ng ugnayan sa agrikultura, logistics, at teknolohiya.
“Ang utos ng ating Pangulo ay makipag-usap sa pamahalaan ng Japan, lalo na sa Ministry of Agriculture nila at palawakin ang ugnayan,” ani Tiu Laurel, at idinagdag na humiling ang Pilipinas ng market access para sa pomelo. “Hopefully before the end of this year makapagbenta na tayo ng pomelo sa Japan,” dagdag niya.
Kasama si Tiu Laurel sa delegasyon ng Pilipinas na sumasama kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa apat na araw na state visit sa Japan.
Tinalakay rin sa pulong ang panukalang pababain ang taripa sa saging ng Pilipinas na pangunahing agricultural export ng bansa sa Japan. “This is our biggest market for bananas in the world, so kailangan natin ma-protektahan,” ani Tiu Laurel.
Bukod sa prutas, napag-usapan din ang posibleng kooperasyon sa horticulture, kabilang ang paglahok sa Green Expo sa Japan sa susunod na taon upang i-promote ang mga bulaklak at halaman ng Pilipinas para sa export market. Dave Baluyot