MANILA, Philippines – Ibinasura ni Bangsamoro Transition Authority (BTA) Parliament Speaker Mohammad Yacob ang panawagang magbitiw siya sa puwesto matapos siyang kalampagin ng isang civil society coalition kaugnay ng umano’y paglihis sa layunin ng Bangsamoro peace process.
Sa open letter ng Recover BARMM Movement noong Mayo 23, hiniling kay Yacob na magbitiw dahil umano sa paggamit sa BTA para “sirain” ang mga prinsipyong nakasaad sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB).
Gayunman, iginiit ng kampo ni Yacob na mananatili siyang tutupad sa kanyang tungkulin hanggang matapos ang transition period.
Kabilang sa mga isyung ibinato ng grupo ang pagtanggal sa “None of the Above” option sa balota ng BARMM parliamentary elections, umano’y pagpapahina sa United Bangsamoro Justice Party, pagbabago sa districting law, at kontrobersyal na pag-aalis kay MILF First Vice Chairman Mohagher Iqbal bilang education minister.
Ayon sa grupo, ang mga hakbang ay tila pagyurak sa liderato ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at sa mga napagtagumpayan ng peace process.
Depensa naman ni Yacob, dumaraan umano sa masusing deliberasyon, konsultasyon at plenary debates ang lahat ng batas na ipinapasa ng BTA Parliament.
“Hindi isang tao lamang ang nagdidikta ng pagpasa ng mga batas,” saad ng kanyang opisina.
Dagdag pa nito, ministerial lamang umano ang pagpirma ng Speaker sa mga panukalang batas at hindi nangangahulugang siya lang ang may kontrol sa mga ito.
Sa kabila ng tensyon, nanawagan si Yacob ng “sabr” o pagpipigil at mahinahong pag-uusap sa gitna ng umiinit na sigalot sa BARMM bago ang kauna-unahang parliamentary elections sa Setyembre 14. RNT/JGC