MANILA, Philippines – Mahigit 7,000 indibidwal sa Iloilo, kabilang ang informal settlers at low-income earners ang inaasahang makikinabang sa dalawang bagong government housing projects sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) program.
Sa kalatas nitong Biyernes, Mayo 29, sinabi ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na pinangunahan ng mga opisyal ang concrete pouring ceremonies ng Iloilo Residences at Uswag 4PH Condominium Complex.
Ang Iloilo Residences ay binubuo ng dalawang seven-story residential buildings na may kabuuang 362 housing units, habang ang Uswag 4PH Condominium Complex, ay binubuo ng 13 10-story buildings na magbibigay naman ng 1,677 condominium-type units sa mahigit 5,000 working class Ilonggos.
Sinabi ng DHSUD na ang Iloilo Residences, kabilang sa pilot rental housing projects sa ilalim ng Expanded 4PH, ay ang kauna-unahang rental housing scheme para sa lokal na pamahalaan ng Iloilo City.
Ayon kay DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling, ang mga proyektong ito ay testamento ng ahensya at administrasyong Marcos para palakasin ang pagtugon sa pangangailangan ng pabahay ng mga Filipino.
“Patuloy nating palalakasin ang Expanded 4PH sa buong bansa upang mas marami pang Pilipino ang magkaroon ng maayos, ligtas, at abot-kayang pabahay,” aniya.
“Ang bawat tahanang ating naitatayo ay hakbang tungo sa mas matatag na pamilya, mas matatag na komunidad, at mas magandang kinabukasan para sa lahat,” dagdag pa. RNT/JGC