MANILA, Philippines – MAHIGIT sa 22,000 bagong non-teaching position ang lilikhain sa mga public schools sa buong bansa simula sa susunod na taon.
Ito’y matapos aprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagtatatag sa 22,268 support at administrative posts para sa Department of Education (DepEd).
“The newly approved positions for Fiscal Year 2026 are expected to bolster school operations and help reduce the administrative workload often handled by teachers,” ayon sa DepEd.
Kabilang sa alokasyon ang 6,000 School Principal I positions, 11,268 Administrative Officer II positions, at 5,000 Project Development Officer I positions para sa elementary at secondary schools sa buong bansa.
“Sa pamamagitan ng mga bagong posisyong ito, mas makatututok na ang ating mga titser sa pagtuturo at sa pagpapataas ng kalidad ng edukasyon sa bansa,” ayon kay Education Secretary Sonny Angara.
Sinabi naman ng DBM na ang posisyon ay ikakalat sa iba’t ibang rehiyon, may regional offices na may atas na direktang magpalabas ng katumbas na Notices of Organization, Staffing and Compensation Action para mapabilis ang deployment.
Ang pag-apruba ay kagyat na ipinalabas matapos na pahintulutan ng DBM ang 32,916 new teaching positions na naglalayong tugunan ang kakapusan ng mga guro sa mga pampublikong paaralan.
Matatandaang, matagal nang itinutulak ng mga education groups at teacher organizations ang pagtanggap ng karagdagang non-teaching personnel, patuloy na ikinakatwiran na ang mga guro ay kadalasang nahihirapan sa mga paperwork, reports, at iba pang administrative duties na kumakain ng oras mula sa kanilang ginagawang pagtuturo.
Ang pondo para sa bagong lilikhaing posisyon ay magmumula sa built-in appropriations ng DepEd sa ilalim ng Fiscal Year 2026 General Appropriations Act. KRIS JOSE