MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Agrarian Reform (DAR) na patuloy nitong isinusulong ang pagpapalawak ng kaalaman at pagpapatibay ng ugnayan sa mga partner stakeholders upang matiyak ang mas epektibong pagpapatupad ng mga programa sa repormang agraryo.
Kaugnay nito, nagsagawa kamakailan ang DAR Provincial Office ng Romblon ng isang cascading activity hinggil sa DAR Land Use Conversion Exemption sa Odiongan.
Dinaluhan ang aktibidad ng mga pangunahing kawani ng DAR at mga kinatawan mula sa lokal na pamahalaan, kabilang ang Municipal Planning and Development Coordinators (MPDCs) at Municipal Assessors, upang mapalalim ang kanilang kaalaman sa mga polisiya at alituntunin kaugnay ng land use conversion exemption sa ilalim ng mga batas sa repormang agraryo.
Sa kanyang welcome remarks, binigyang-diin ni Engr. Rogelio D. Madarcos, CESO V, PARPO II, na kinatawan ni Atty. Sharon Terrie P. Balagot, OIC-Chief Legal, ang kahalagahan ng wastong pagpapatupad ng mga polisiya sa paggamit ng lupa upang mapanatili ang balanse sa pagitan ng kaunlaran at pangangalaga sa mga lupang agrikultural.
Kaugnay nito pinangunahan ni Provincial Agrarian Reform Adjudicator.Atty. Reparado B. Galos III ang talakayan bilang resource speaker ng aktibidad. Tinalakay niya ang mga alituntunin ng DAR hinggil sa CARP Exemption at DAR Rules on Land Use Conversion, kabilang ang mga legal at teknikal na aspeto sa pagsusuri ng exemption applications.
Ayon kay Galos, mahalagang maunawaan ng mga kawani at partner agencies ang tamang proseso at mga umiiral na polisiya upang maiwasan ang mga pagkakamali sa implementasyon.
“Napakahalaga ng ganitong mga aktibidad upang mas maging malinaw sa ating mga stakeholders ang mga alituntunin sa land use conversion at exemption. Sa pamamagitan ng tamang kaalaman, masisiguro natin ang maayos at patas na pagpapatupad ng batas,” ani Galos.
Samantala nagkaroon din ng open forum at question-and-answer segment kung saan aktibong nakibahagi ang mga kalahok sa pagbibigay ng kanilang mga katanungan at paglilinaw hinggil sa mga usaping tinalakay.
Bahagi ang aktibidad na ito ng patuloy na pagsisikap ng DAR Romblon na mapanatiling updated ang mga kawani at partner stakeholders sa mga kasalukuyang legal na polisiya at alituntunin kaugnay ng repormang agraryo at land use conversion. Santi Celario