MANILA, Philippines – MALAKING tulong sa seguridad ng Pilipinas at paghahanda laban sa kalamidad ang pinalalakas na information sharing agreement sa pagitan ng Pilipinas at Japan.
Sa katunayan ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kabilang sa pagtutulungan ng Pilipinas at Japan ang pagpapalitan ng mahahalagang impormasyon ukol sa weather forecasting, satellite data, smart cities, at iba pang teknolohiyang makatutulong sa bansa.
“Pinagtibay natin ang ating patuloy na paninindigan sa rule of law, international law, at UNCLOS para sa freedom of navigation sa South China Sea,” ani Pangulong Marcos.
Nilinaw rin ng Pangulo na hindi lamang military intelligence ang saklaw ng information sharing ng Pilipinas at Japan.
“Pinag-uusapan natin ang weather, smart cities, at satellite information na mayroon ang Japan na wala sa atin,” saad ng Pangulo.
Ayon pa kay Pangulong Marcos, makatutulong ang weather at satellite information ng Japan upang mas mapalakas ang disaster preparedness at agricultural productivity ng bansa.
“Pinaka-importante din ‘yung weather sharing para weather forecasting kasi napakagaling na ng Japan tungkol sa meteorology,” pahayag ng Pangulo.
Dagdag pa ng Pangulo, mahalaga ito upang mas mapaghandaan ng bansa ang mga bagyo, malalakas na ulan, at epekto ng El Niño, lalo na upang maprotektahan ang mga magsasaka at matiyak ang sapat na food supply ng bansa. KRIS JOSE