MANILA, Philippines – Nagbabala ang PAGASA na maaaring makaranas ng malalakas na pag-ulan na aabot sa 50 hanggang 100 milimetro ang ilang lalawigan dahil sa southwest monsoon o habagat.
Ayon sa Weather Advisory No. 3 na inilabas alas-5 ng hapon noong Mayo 30, inaasahan ang 50 hanggang 100 mm na ulan sa Palawan, Occidental Mindoro, at Antique mula Linggo ng hapon, Mayo 31, hanggang Lunes ng hapon, Hunyo 1.
Mula naman Lunes ng hapon, Hunyo 1, hanggang Martes ng hapon, Hunyo 2, inaasahan ang kaparehong dami ng ulan sa Bataan, Batangas, Palawan, Occidental Mindoro, Antique, Iloilo, at Guimaras.
Sinabi ng PAGASA na maaaring mas mataas pa ang dami ng ulan sa mga bulubundukin at matataas na lugar dahil sa epekto ng lokasyon ng mga ito. Posible ring lumala ang epekto ng pag-ulan sa ilang lugar dahil sa naipong ulan mula sa mga naunang weather system.
Pinayuhan ng PAGASA ang mga lokal na tanggapan ng disaster risk reduction and management na gawin ang lahat ng kinakailangang hakbang upang maprotektahan ang buhay at ari-arian.
Maaari rin umanong maglabas ang mga Regional Services Division ng Heavy Rainfall Warnings, Thunderstorm Advisories, at iba pang abiso sa masamang panahon kung kinakailangan.
Nauna nang idineklara ng PAGASA ang pagsisimula ng habagat, na inaasahang magdadala ng paminsan-minsan hanggang madalas na pag-ulan at pagkulog sa kanlurang bahagi ng Luzon, Visayas, at Mindanao. RNT/MND