PAMPANGA, Philippines – Kinilala ang mag-amang kabilang sa anim na nasawi sa pagguho ng isang gusali sa Angeles City noong Mayo 24.
Narekober noong Mayo 29 ang labi ni Roberto Sabile, 51 taong gulang. Isang araw bago nito, narekober naman ang katawan ng kanyang anak na si Christian Sabile, 26 taong gulang. Kapwa sila construction worker sa proyekto.
Ayon sa lokal na pamahalaan ng Angeles City, kabilang din sa mga nasawi sina Mond Reza Abdullah, 65; Mark Laurence Capungay, 21; Porperio Alikaway, 66; at isang hindi pa nakikilalang lalaki.
Patuloy pa rin ang search and rescue operation para sa 14 na nawawalang indibidwal.
Iniulat ng Angeles City Information Office na may narinig na katok o pag-tap ang mga responder mula sa Sector 1 ng lugar. Dahil dito, nagpadala ng K9 unit ang Philippine Coast Guard upang beripikahin ang sitwasyon.
Bandang alas-4 ng hapon, nakadetect ang life detector at rescue radar equipment ng apat na posibleng gumagalaw na nilalang. Gayunman, sinabi ng mga rescuer na maaari ring makadetect ang mga kagamitang ito ng mga buhay na hayop tulad ng daga.
Samantala, sinabi ni Angeles City Mayor Jon Lazatin II na handang tumulong ang may-ari ng gusali sa mga biktima at kanilang mga pamilya.
Ayon pa sa alkalde, nakahanda siyang magpatupad ng preventive suspension laban sa sinumang empleyado ng lokal na pamahalaan na maaaring may kinalaman sa pag-apruba ng building permit.
Nauna nang naglabas ang DOLE Region 3 ng work stoppage order laban sa proyekto dahil sa kakulangan sa mga hakbang pangkaligtasan. Gayunman, ipinagpatuloy ang konstruksyon matapos umanong makasunod ang kumpanya sa mga itinakdang requirements ng ahensya. RNT/MND