Home METRO Dizon nag-inspeksyon sa Manila North Port bago Undas rush

Dizon nag-inspeksyon sa Manila North Port bago Undas rush

3
0
📸 Eric Ocapan

MANILA, Philippines – Ininspeksyon ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon ang mga pasilidad sa Manila North Port Terminal nitong Huwebes, Oktubre 29, bilang bahagi ng paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero ngayong Undas.

Sinuri ni Dizon ang kalagayan ng terminal at mga pasilidad para sa mga biyahero, habang nakipag-usap din siya sa ilang pasahero upang alamin ang kanilang sitwasyon at karanasan bago bumiyahe.

📸 Eric Ocapan

Bahagi ang inspeksyon ng serye ng pag-iikot ng DOTr sa mga transport terminal upang matiyak ang kaligtasan, kaayusan at kaginhawaan ng publiko sa panahon ng Undas travel rush.

Kasabay nito, naka-heightened alert ang Philippine Coast Guard (PCG) sa ilalim ng Oplan Biyaheng Ayos: Undas 2026 mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3.

Tinataya ng PCG na maaaring umabot sa 2 milyong pasahero ang bumiyahe sa dagat ngayong Undas, mas mataas sa humigit-kumulang 1.5 milyong naitala noong 2025.

Inatasan ang lahat ng 17 Coast Guard districts na paigtingin ang maritime safety at security operations, kabilang ang pagbabantay sa mga pantalan at passenger terminals.

Samantala, patuloy din ang inspeksyon ng DOTr at iba pang ahensya sa mga bus terminal at iba pang transport hubs sa Metro Manila upang tiyaking sumusunod ang mga operator sa kinakailangang passenger facilities at safety standards.

Nauna nang sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na inaasahang mas dadami ang mga pasahero simula Oktubre 30 at mahigit 1,200 provincial buses ang nabigyan ng special permits upang tugunan ang dagdag na demand ngayong Undas.

Patuloy namang pinaalalahanan ang mga biyahero na planuhin nang maaga ang kanilang biyahe at sumunod sa security at safety procedures sa mga pantalan at iba pang transport terminals. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here