MANILA, Philippines – Inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Bagyong Domeng sa Lunes ng hapon, Hunyo 1, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).
Ayon sa forecast track ng Pagasa, magpapatuloy ang pagkilos ng bagyo pahilagang-hilagang kanluran sa Philippine Sea hanggang Lunes bago lumihis patungong timog ng Japan. Patuloy pa itong lalakas ngunit mananatiling isang typhoon habang nasa loob ng PAR.
Bandang alas-4 ng madaling araw ng Linggo, namataan ang sentro ng bagyo 670 kilometro silangan ng Basco. Kumikilos ito pahilagang-hilagang kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras, taglay ang lakas ng hanging aabot sa 120 km/h at pagbugsong hanggang 150 km/h.
Bagama’t mababa ang posibilidad na mag-landfall ito sa bansa, magdadala pa rin ang buntot ng bagyo ng mga pag-ulan sa Gitnang Luzon, Cagayan, at Isabela.
Samantala, patuloy ding nakaaapekto ang Habagat sa kanlurang bahagi ng bansa. Inaasahan ang maulap na kalangitan at kalat-kalat na pag-ulan sa Metro Manila, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas, Negros Island Region, Zamboanga Peninsula, at BARMM.
Ang nalalabing bahagi ng Visayas, kabilang ang Cebu, ay makararanas naman ng mga pulo-pulong pag-ulan at pagkulog-pagkidlat dahil sa localized thunderstorms.
Wala pang nakataas na gale warning ang Pagasa, ngunit nagbabala ito ng malalakas hanggang gale-force na bugso ng hangin sa ilang lugar dahil sa pinagsamang epekto ng Habagat at Bagyong Domeng.
Pinayuhan din ang mga mangingisda at operator ng maliliit na sasakyang-pandagat na huwag pumalaot dahil sa maalong karagatan. Maaaring umabot sa 3.5 metro ang taas ng alon sa baybayin ng Batanes at silangang bahagi ng Babuyan Islands at mainland Cagayan, habang hanggang 3.0 metro naman sa baybayin ng Isabela at hilagang bahagi ng Babuyan Islands.
Hinikayat ng Pagasa ang publiko at mga lokal na awtoridad na patuloy na subaybayan ang mga weather bulletin at abiso para sa mga pinakabagong impormasyon tungkol sa bagyo. RNT/MND