PAMPANGA, Philippines – Bumuo ng fact-finding at investigation task force ang pamahalaang lungsod ng Angeles City matapos gumuho ang isang itinatayong siyam na palapag na gusali sa Barangay Balibago na ikinasawi ng anim na katao at ikinasugat ng marami pang iba.
Inanunsyo ni Angeles City Mayor Carmelo Lazatin II na nilagdaan niya ang isang executive order para sa pagbuo ng komite na magsasagawa ng patas at masusing imbestigasyon at pangangalap ng tamang teknikal at makatotohanang impormasyon kaugnay ng insidente.
Sa Executive Order na nilagdaan noong Biyernes, pormal na itinatag ang Angeles City Fact-Finding and Investigation Task Force upang matukoy ang sanhi ng pagguho at ang posibleng pananagutan ng mga sangkot.
Binubuo ang task force ng mga kinatawan mula sa lokal na pamahalaan, mga law enforcement agency, pambansang ahensya ng gobyerno, at mga propesyonal na organisasyon kabilang ang mga inhinyero, structural engineers, at arkitekto.
Inatasan ang grupo na magsumite ng paunang ulat sa loob ng 15 araw at isang kumpletong ulat sa loob ng 60 araw, maliban kung papayagan ng alkalde ang extension. Inaasahan ding ilalabas sa publiko ang resulta ng imbestigasyon.
“I assure the public that the truth will come out. Those who should be held accountable will be held accountable, and anyone involved in the entire tragedy will be made accountable,” aniya.
“Our investigation will be fair, and I am certain that the truth will come out so that we can give justice to the victims, the injured, the indirect victims, and, of course, I can say this because the entire Angeles City has made sacrifices—the people of Angeles,” dagdag pa niya.RNT/MND