HINDI na aabutin ng tatlong buwan at tiyak na ang pagreretiro ng isang heneral na lubhang kinaiinisan hindi lang ng kanyang mga tauhan subalit kahit ng ilang mamamahayag lalo na ang mga nakakikilala sa kanya.
Sobra naman kasi ang pagiging SWAPANG ng heneral na ito dahil kahit ang kanyang mga opisyal na hawak at subordinates (tauhan) ay gigil sa kanyang ugaling puro AKIN, AKIN, AKIN. Kasi nga, kapag sumayad na sa kanyang kamay ang SALAPI lalo na ang galing sa mga koleksyon (syempre iligal na koleksyon iyon – Ed), hindi na niya ito binibitiwan at hindi na rin inaalala kung naabutan ba niya ang kanyang mga tauhan na siyempre ay umaasa rin na maaambunan ng biyaya.
Hindi naman makareklamo ang mga nakatalagang opisyal at tauhan na mukha nila ang nakapronta sa mga iligalista bagaman pangalan nitong heneral ang nagagasgas sapagkat batid nilang magaling gumawa ng eksena na pampelikula itong heneral.
Ang media naman, gutom sa kanya dahil wala siyang ibinibigay na pampalubag loob. Sabagay, hindi naman niya kinikilala ang mainstream media at bloggers sa halip ang kilala lang niya ay vloggers.
Dahil sa dami ng sama ng loob ng mga opisyal at pulis na nasa ilalim ng kanyang liderato, low morale ang mga ito nang hindi pa ito napalitan noong magkaroon ng reshuffle.
Pero ngayong mga panahong ito, nakangingiti na ang mga pulis na nakatalaga sa ilalim ng kanyang kapangyarihan kasi nga ay ilang buwan na lang ang kanilang ipagtitiis sa pangit na ugali ng kanilang regional director (regional director pala? – Ed).
Bakit ika nyo? Kasi nga nakatakda na itong magretiro at ilang buwan na lang ay hindi na siya tatawaging GENERAL (Major problem na? – Ed). MISTER na lang ang magiging address sa kanya. At ang ikatutuwa ng iba ay wala na ito sa serbisyo kaya’t hindi na sila magugulangan nito.
Teka nga pala, mahilig sa “PASALUBONG” ang RD na ito. Ang ilang opisyal niya ay sumabit at nakasuhan dahil sa hiling niyang pasalubong noong pag-upo niya at noong nadagdagan ng estrella ang kanyang balikat.
Humirit kaya ito ng “PABAON”? Hindi na niya kailangan ang pabaon dahil napakalaki ng kanyang ipon sa koleksyon at maging savings sa maintenance and other operating expenses dahil wala naman siyang project o legacy na maiiwan sa kanyang rehiyon sapagkat tinipid niya ang MOOE at dumiretso umano sa kanyang bulsa.
Gets nyo kung sino?






