HABANG nakatutok ang bansa sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, may isa pang mahalagang usapin na unti-unting lumilitaw sa abot-tanaw: ang posibilidad na muling isasampa ang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. pagsapit ng Pebrero 2027.
Ayon sa Saligang Batas, isang beses lamang maaaring sampahan ng impeachment complaint ang isang opisyal sa loob ng isang taon. Dahil ibinasura na ng Kamara ang naunang reklamo laban kay Pangulong Marcos, protektado siya ng naturang limitasyon hanggang matapos ang itinakdang panahon. Ngunit kapag nagbukas muli ang pinto para sa panibagong reklamo, tiyak na muling mabubuhay ang mga alegasyong dati nang inihain at maaaring madagdagan pa ng mga bagong usapin.
Mahalagang tingnan ito hindi sa lente ng kampihan kundi ng batas. Ang impeachment ay hindi dapat gawing gantihan ng magkakalabang paksyon sa pulitika. Ito ay isang pambihirang mekanismo ng pananagutan na nakalaan lamang para sa mabibigat na paglabag sa Konstitusyon, katiwalian, pagtataksil sa tiwala ng publiko, at iba pang seryosong pagkukulang sa tungkulin.
Kabilang sa mga posibleng isyung maaaring maging batayan ng panibagong impeachment complaint ang umano’y fiscal irresponsibility kaugnay ng pambansang badyet, mga alegasyon ng legislative fraud at budget riders, ilegal na paglalagay ng pondo sa ilang programa, unconstitutional fund transfers, at mga usapin ng betrayal of public trust. Maaari ring muling mabanggit ang mga kontrobersiyang may kaugnayan sa paggamit ng unprogrammed funds, mga alegasyon ng sistematikong katiwalian, isyu sa sugar importation, umano’y cronyism sa ilang strategic government projects, at maging ang mga tanong hinggil sa proseso ng pakikipagtulungan sa mga pandaigdigang institusyon ng hustisya.
Gayunman, ang lahat ng ito ay nananatiling mga alegasyon na kinakailangang suportahan ng matibay na ebidensiya at dumaan sa wastong proseso.
Kung may sapat na ebidensiya sa mga isyung ibinabato laban sa Pangulo—mula sa mga usapin sa badyet, pondo ng pamahalaan, hanggang sa iba pang alegasyon ng pag-abuso sa kapangyarihan kaya’t nararapat lamang na masuri ang mga ito sa tamang proseso.
Ngunit kung ang mga paratang ay magiging instrumento lamang upang makabawi sa mga kalaban sa pulitika, mawawala ang kredibilidad ng impeachment bilang isang demokratikong sandata ng pananagutan.
Dito masusukat ang tunay na prinsipyo ng mga politiko at ng mga institusyon ng gobyerno. Kung ang panawagan para sa impeachment ni VP Sara ay nakabatay sa paniniwalang walang sinoman ang higit sa batas, dapat ding maging bukas ang isip ng parehong mga sektor sa pagsusuri ng anomang reklamong ihahain laban kay Pangulong Marcos. Ang pamantayan ng pananagutan ay hindi dapat nagbabago depende sa pangalan ng opisyal o kulay ng partidong kinabibilangan.
Hindi ang impeachment mismo ang pinakamahalagang usapin. Ang tunay na tanong ay kung kaya bang pairalin ng ating mga lider at institusyon ang iisang sukatan ng hustisya para sa lahat. Sapagkat kapag pumili tayo kung sino lamang ang pananagutin, ang nagwawagi ay pulitika—hindi demokrasya.






