MANILA, Philippines – Nagsagawa ng inspeksyon ang Department of Agriculture (DA) sa mga rice stall sa Commonwealth Market sa Quezon City noong Lunes upang tiyakin ang pagsunod sa ₱50 kada kilo na price cap para sa 5% broken imported rice.
Pinangunahan nina DA Undersecretary Roger Navarro at Assistant Secretary U-Nichols Manalo ang monitoring activity.
Sa inspeksyon, isang rice retailer ang binigyan ng Notice of Violation matapos mahuling nagbebenta ng bigas na mas mataas sa itinakdang presyo.
Samantala, lima pang rice stalls ang nakita ring hindi sumusunod sa price cap, ngunit hindi muna sila pinatawan ng paglabag dahil sinabi nilang naideliver ang kanilang mga stock bago pa ipatupad ang bagong presyo.
Ayon sa DA, makikipag-ugnayan sila sa mga opisyal ng pamilihan at rerepasuhin ang nararapat na aksyon kaugnay ng mga natuklasang paglabag upang matiyak ang tamang pagpapatupad ng price cap sa mga palengke. DANNY QUERUBIN









