Home NATIONWIDE Pagpapatatag ng suplay, presyo ng pangunahing bilihin ipinag-utos ni PBBM

Pagpapatatag ng suplay, presyo ng pangunahing bilihin ipinag-utos ni PBBM

1
0

MANILA, Philippines – INATASAN na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga ahensya ng pamahalaan na tutukan ang pagpapatatag ng suplay at presyo ng pagkain, langis, at kuryente sa gitna ng kasalukuyang hamon sa ekonomiya.

“Kabilin-bilinan ng Pangulo na hindi dapat mawalan ng suplay ang Pilipinas ng fuel,” ang bahagi ng pahayag ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa isinagawang press briefing sa Philippine Embassy sa Singapore.

“Kapag nahinto ang supply ng fuel, sobra ang magiging epekto nito sa bansa natin at baka talaga magkaroon ng paghinto ang mga negosyo at mas lalong malaki ang epekto sa ating ekonomiya,” dagdag pa ni Castro.

Sinabi ni Castro na kabilang sa mga hakbang ngayon ng pamahalaan ang pagtanggal ng 12 percent VAT sa allowable system loss charge sa singil sa kuryente at management sa suplay ng baboy.

Bukod dito, patuloy rin ang pagpapatupad ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) programs, Walang Gutom Program, TUPAD, at Free Rice programs.

“Patuloy pa rin ang rollout, at babanggitin ko, lalong-lalo na sa mga apektadong tsuper at operator dahil sa Middle East crisis na hanggang ngayon ay patuloy pa rin,” ayon pa kay Castro.

Patuloy naman aniya ang pagbibigay ng fuel subsidy para sa mga tsuper ng public utility vehicles (PUVs), gayundin ang pagpapalawak ng mga Kadiwa outlet bukod pa sa mga ginagawang hakbang ng pamahalaan upang matiyak ang sapat na suplay ng pagkain.

Sinabi ni Castro na pinalawak ang mga pasilidad ng imbakan ng palay sa Tarlac upang palakasin ang food security, habang ginagamit na rin ang kauna-unahang African swine fever vaccine na inaprubahan para sa komersyal na paggamit sa bansa upang makatulong na patatagin ang suplay ng baboy, lalo na sa papalapit na holiday season.

“Pinalalakas din ang koordinasyon ng DA (Department of Agriculture), sa pangunguna ni Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr., at PAGASA para mas maging handa ang sektor ng agrikultura sa epekto ng pabago-bagong panahon,” dagdag pa ni Castro.

Inihayag pa ng opisyal na nakipagpulong si Pangulong Marcos nitong Miyerkules kay Acting Executive Secretary Ralph Recto upang talakayin ang mga posibleng programa ng pamahalaan na makakatulong na maibsan ang epekto ng tumataas na presyo ng mga pangunahing bilihin, lalo na sa gitna ng El Niño na nararanasan ng bansa. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here