MANILA, Philippines – PARA sa Malakanyang maganda ang ginawa ni Senador Jinggoy Estrada na boluntaryong pagsuko sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) base sa warrant of arrest na ipinalabas ng Sandiganbayan 5th Division sa kasong plunder kaugnay ng flood control projects.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na maganda ang ginawa ni Senador Jinggoy na boluntaryong pagsuko dahil hindi na nya pinahirapan pa ang mga tagapagpatupad ng batas.
“Maganda ang ginawa ni Senador Jinggoy na siya ay boluntaryong sumuko. Hindi na niya pinahrapan ng mga law enforcers , hindi tulad ng nangyayari ngayon kay Senator bato. Iyan po ang dapat na ginagawa ng isang tao, alam niya po na may valid warrant of arrest” aniya pa rin.
Nauna rito, pasado alas-tres ng hapon, araw ng Lunes, Hunyo 1, dumating ang court server ng Sandiganbayan kasama ang ilang pulisya na diretsong nagtungo sa tanggapan ni Estrada sa Senado upang isinilbi ang warrant of arrest.
Hindi pumalag si Estrada at kusang tinanggap ang warrant of arrest saka nagsagawa ng press conference hinggi sa pagdakip
Sa kanyang press conference, nananatiling nandigan si Estrada na walang katotohanan ang paratang ng ilang dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Aniya, hindi siya hihingi ng Senate custody sa liderato ni Senate President Alan Peter Cayetano tulad nang ibinigay kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na tinutugis ngayon ng pulisya base sa warrant of arrest na ipinalabas naman ng International Criminal Court (ICC) sa kasong crimes against humanity sa drug war.
“Hindi ako papasailalim sa kustodiya ng Senado. I will not seek Senate custody,” sabi ni Estrada.
“Hindi ko gagamitin ang Senado bilang panangga laban sa mga alegasyon sa akin. Nakahanda akong ipagtanggol ang aking sarili sa hukuman at hindi ako magtatago sa likod ng institusyong ito upang umiwas sa proseso,” dagdag niya.
Samantala, pinabulaanan naman ni Castro ang alegasyon ng mga miyembro ng majority block na ang ginagawang pagsasampa ng kaso at pag-aresto laban sa kanilang miyembro ay isang malinaw na “politicking”.
“Is it not the other way around? dahil ngayon, ang bumubuo halos ng majority sila iyong mayroong isyu. may mga kaso na nakaabang di umano at sabi nga natin wala pa pong binubuo na majority sa pamumuno ni Senator Allan Peter Cayetano ay mayroon na silang isyu na kinakaharap. So, hindi ba kabaligtaran ang sinasabi na baka sila iyong namumulitika at hindi ang ehekutibo,” ayon kay Castro. KRIS JOSE