MANILA, Philippines – TINATAYANG nasa P35.4 milyong halaga ng mga imported na produktong agrikultural ang nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa isang cold storage facility sa Nueva Ecija bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa agricultural smuggling.
Pinangunahan ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno kasama si National Bureau of Investigation (NBI) Director Atty. Melvin A. Matibag ang inspeksyon sa mga nakumpiskang produkto na pinaniniwalaang iligal na ipinasok sa bansa.
Ayon sa BOC, nagsimula ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon mula sa NBI hinggil sa umano’y agricultural smuggling at posibleng paglabag sa Anti-Agricultural Economic Sabotage Act at Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Agad na nagsagawa ng enforcement operation ang Bureau of Customs-Intelligence Group (BOC-IG) at Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (CIIS-MICP) katuwang ang NBI at Philippine Coast Guard (PCG) sa nasabing pasilidad.
Sa isinagawang inspeksyon, nadiskubre ng mga awtoridad ang 6,088 sako ng maliit na dilaw na sibuyas mula sa Holland, 1,080 sako ng malaking dilaw na sibuyas mula sa China, 3,780 sako ng malaking pulang sibuyas mula sa China, at 12,350 sako ng bawang mula rin sa China.
Tinatayang umabot sa ₱35,437,198 ang kabuuang halaga ng mga nakumpiskang produkto.
Naglabas naman ang BOC ng Warrant of Seizure and Detention noong Mayo 21, 2026 dahil sa paglabag umano sa Section 224 ng CMTA.
Sinabi ng ahensya na ang operasyon ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palakasin ang food security ng bansa, protektahan ang sektor ng agrikultura, at tiyakin ang mahigpit na pagpapatupad ng mga batas sa kalakalan at adwana.
Patuloy ding iniimbestigahan ng NBI ang importer at iba pang posibleng responsable sa kaso para sa posibleng paglabag sa Anti-Agricultural Economic Sabotage Act. Kasabay nito, nagsasagawa rin ng internal investigation ang BOC upang matukoy kung may mga tauhan ng ahensya na maaaring sangkot sa iligal na pagpasok at paggalaw ng mga produkto.
Binigyang-diin ni Nepomuceno na mananatiling matatag ang kampanya ng Bureau of Customs laban sa smuggling upang maprotektahan ang mga lokal na magsasaka at ang suplay ng pagkain sa bansa.
“Hindi natin hahayaan na kumita ang mga smuggler habang nalulugi ang ating mga magsasaka at nalalagay sa alanganin ang food security ng bansa. Malinaw ang mensahe ng operasyong ito na patuloy naming hahabulin ang mga sumisira sa lehitimong kalakalan at nagsasamantala sa ating industriya ng agrikultura,” ani Nepomuceno.
Samantala, muling tiniyak ng BOC-MICP sa pangunguna ni District Collector Atty. Felipe Geoffrey K. De Vera IV ang kanilang pangako sa pagpapatibay ng border protection, patas na kalakalan, at pananagutan sa lahat ng operasyon ng adwana. JAY Reyes