MANILA, Philippines – Tila nagkaroon ng stalemate sa Senado matapos tanging miyembro ng minority bloc ang dumalo sa sesyon ng Senado nitong Lunes, Hunyo 1, dahil hanggang isinusulat ang balitang ito, wala pang miyembro ng majority bloc.
Tanging 11 miyembro ng minority bloc sa pangunguna ni Minority Leader Vicente Sotto III kasama sina Senador Bam Aquino, Risa Hontiveros, Panfilo Lacson, JV Ejercito, Kiko Pangilinan, Lito Lapid, Win Gatchalian, magkapatid na Raffy at Erwin Tulfo, at Juan Miguel Zubiri.
Ilang oras matapos dakpin ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) si Estrada sa non-bailable offense ng plunder base sa warrant of arrest na ipinalabas ng Sandiganbayan 5th Division, hindi pa nagbubukas ang sesyon.
Base sa Rules ng Senado, kailangan ideklara ni Senate President Alan Peter Cayetano ang sesyon kung may force majeure tulad ng bagyo, kalamidad o lindol upang hindi matuloy ang sesyon.
“Kung ganito, first time mangyayari ito na walang quorum. Dapat kung kakanselahin, kailangan ideklara kung may force majeure,” ayon kay Ejercito.
Makikita na mayroong 11 miyembro ng minority bloc na tinaguriang Solid Bloc 11 at 11 na din ang majority mula sa dating 13 matapos madakip si Estrada at magtago si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa warrant of arrest na ipinalabas ng International Criminal Court (ICC) sa kasong crimes against humanity kaugnay ng drug war. Ernie Reyes