Home OPINION PAGKILOS NG SENADO, HAYAANG SUKATIN SA MGA RESULTA

PAGKILOS NG SENADO, HAYAANG SUKATIN SA MGA RESULTA

19
0

MARAMING mga mata ang nakatutok ngayon sa Senado habang hinaharap nito ang ilan sa pinakamahahalagang usapin sa bansa. Kasabay ng pag-upo ng bagong liderato ng mayorya, hindi rin nawala ang mga puna, pagdududa, at mga akusasyon ng pagkakaroon umano ng mga nakatagong layunin sa likod ng kanilang mga hakbang. Gayunman, para sa ilang political analyst, mas mahalagang tingnan ang mga aktuwal na ginagawa ng kapulungan kaysa agad magbigay ng hatol batay sa mga espekulasyon.

Ayon sa mga eksperto, ang mabilis na pag-aksyon ng Senado sa impeachment proceedings at sa kontrobersiya ng flood control funds ay nagpakikita ng pagsisikap ng bagong liderato na masigurong nananatiling gumagana ang institusyon sa kabila ng mga tensyong pampulitika.

Para sa kanila, malinaw na mensahe ito na nais unahin ng Senado ang mga usaping may direktang epekto sa publiko kaysa sa mga internal na alitan.

Nang matanggap ang mga artikulo ng impeachment mula sa Kamara, agad kumilos ang Senado upang ihanda ang mga kinakailangang proseso alinsunod sa mandato ng Konstitusyon. Sa pananaw ng mga analyst, mahalagang senyales ito na seryoso ang kapulungan sa pagtupad ng tungkuling nakaatang dito bilang bahagi ng demokratikong sistema ng bansa.

Kasabay nito, naging kapansin-pansin din ang paggalaw ng Senado upang buhayin ang usapin ng flood control funds. Matatandaang hindi naging pinal ang ulat ng nakaraang imbestigasyon dahil sa kakulangan ng kinakailangang suporta mula sa mga senador. Dahil dito, minabuti ng bagong mayorya na bumuo ng isang subcommittee upang maipagpatuloy ang pagsusuri at mabigyan ng direksyon ang matagal nang nakabimbing usapin.

Subalit mahalagang tandaan na ang mabilis na pagkilos ay hindi awtomatikong katumbas ng tagumpay. Ang tunay na sukatan ng Senado ay nakasalalay sa pagiging patas, malinaw, at makatarungan ng mga prosesong isinasagawa nito.

Ang mga imbestigasyon at pagdinig ay dapat magbunga ng katotohanan, pananagutan, at mga rekomendasyong makatutulong sa bansa.

Nararapat lamang na bigyan ng pagkakataon ang Senado na tapusin ang mga gawaing sinimulan nito. Kasabay nito, tungkulin din ng publiko na manatiling mapagmatyag at mapanuri. Sa ganitong paraan, mapananatili ang balanse sa pagitan ng pagbibigay ng pagkakataong magtrabaho ang mga institusyon at ng pananagutan na inaasahan ng sambayanan mula sa kanilang mga pinuno

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here