Home NATIONWIDE Drilon: Cayetano tila ‘king without a kingdom’ sa Senado

Drilon: Cayetano tila ‘king without a kingdom’ sa Senado

22
0

MANILA, Philippines – Sinabi ni dating Senate President Franklin Drilon na limitado na ang kontrol ni Senate President Alan Peter Cayetano sa Senado matapos mabawasan sa 11 miyembro ang majority bloc kasunod ng pag-aresto kay Senador Jinggoy Estrada sa kasong plunder.

Inilarawan ni Drilon si Cayetano bilang isang “king without a kingdom,” dahil tabla na umano ang bilang ng miyembro ng majority at minority bloc matapos ang pag-aresto kay Estrada at patuloy na hindi pagdalo ni Senador Ronald dela Rosa sa mga sesyon.

“King without a kingdom. He has no control over the Senate. There are only 11 votes, so Alan Cayetano cannot pass a measure because he will have to have the support of the majority,” ani Drilon.

Ang pahayag ay kasunod ng hindi pagdalo ng mga senador ng mayorya sa sesyon noong Lunes matapos maaresto si Estrada, dahilan upang walang quorum at hindi matuloy ang sesyon.

Ayon kay Drilon, mahihirapan ang mayorya na maisulong ang ilang mahahalagang hakbang kabilang ang mga panukalang amyenda sa Senate rules at reorganisasyon ng mga komite.

“‘Yung reorganization ng committees hindi mo magalaw kasi walang majority,” aniya.

Samantala, sinabi ni Senador Raffy Tulfo na may posibilidad umanong lumipat sa minorya ang dalawang miyembro ng mayorya, bagama’t hindi niya pinangalanan ang mga ito.

Iginiit din ni Tulfo na tututulan ng minorya ang panukalang payagan ang remote participation sa mga sesyon ng Senado dahil maaari umano itong makinabang ang mga senador na may kinahaharap na kaso o umiiwas sa pag-aresto.

Nakatakdang mag-adjourn sine die ang Kongreso sa Hunyo 4. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here