DAVAO CITY — Isinara sa lahat ng trekking at camping activities ang Mount Apo mula Hunyo 1 hanggang Agosto 31 upang bigyang-daan ang rehabilitasyon ng kalikasan at pagpapatuloy ng mga hakbang sa pangangalaga ng biodiversity sa loob ng protected area.
Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR)-11, sabay na ipatutupad ang suspensyon ng pagpasok sa mga access point sa Davao Region at Soccsksargen. Mahigpit na ipinagbabawal ang hiking at camping habang umiiral ang closure, at inaasahang magbabalik ang trekking activities sa Setyembre 1.
Saklaw ng pagsasara ang mga ruta mula sa Kidapawan City at mga bayan ng Makilala at Magpet sa North Cotabato, gayundin ang Digos City at mga bayan ng Bansalan at Santa Cruz sa Davao del Sur.
Ipinatutupad ang taunang off-season ng Protected Area Management Board sa ilalim ng Resolution No. 8, Series of 2021 upang mabigyan ng panahon ang ekosistema ng bundok at mga wildlife species na makarekober mula sa epekto ng mga aktibidad ng tao.
May lawak na humigit-kumulang 64,000 ektarya, ang Mount Apo Natural Park ay sumasaklaw sa Davao del Sur, Davao City, at Cotabato. Dito matatagpuan ang pinakamataas na bundok sa Pilipinas na may taas na 2,954 metro mula sa antas ng dagat at protektado sa ilalim ng Republic Act 9237.
Kasabay ng pansamantalang pagsasara ang paghahanda ng pamahalaan para sa pagsusuri ng lugar bilang UNESCO Global Geopark. Nagsagawa na ng simulation exercise ang DENR sa Regions 11 at 12 noong Abril bilang paghahanda sa validation visit na nakatakda sa Agosto. Mary Anne Sapico