MANILA, Philippines – NAMAHAGI ang pamahalaang lungsod ng Maynila ng 551 Sony 55-inch Smart TV at 982 HP laptop na may kasamang bag para sa mga guro ng Kindergarten at Grade 1 sa lahat ng anim na distrito ng lungsod bilang bahagi ng programang “One Laptop, One TV, One Classroom.”
Pinangunahan nina Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso at Vice Mayor Chi Atienza ang distribusyon sa San Andres Sports Complex nitong Martes, Hunyo 2, na katuparan ng pangakong binitiwan ni Yorme sa kanyang 2025 State of the City Address matapos muling manungkulan bilang alkalde.
Ayon kay Domagoso, ang programa ay pagkilala sa mahalagang papel ng mga guro sa paghubog ng mga kabataan at bahagi ng kanyang pagbibigay-pugay sa mga naging guro niya noong siya ay nag-aaral pa sa pampublikong paaralan.
“Kung hindi kayo nagtiyaga, mga teacher ng Kinder at Grade 1, sa kakulitan ko nung araw, malamang hindi ako Mayor ngayon,” ani Domagoso.
Sinabi ng alkalde na kabilang ang programa sa ilalim ng Minimum Basic Needs (MBN) policy ng kanyang administrasyon na nakatuon sa pabahay, edukasyon, kalusugan, at trabaho bilang pangunahing prayoridad para sa mga Manileño.
Bukod sa mga Smart TV at laptop, namahagi rin ang lungsod ng iba’t ibang school supplies para sa mga mag-aaral sa lahat ng antas. Kabilang dito ang mahigit 2.6 milyong notebook, higit 1.3 milyong notepad, 66,250 school bag para sa mga mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 2, at PE uniforms para sa Kinder hanggang Grade 12.
Pinasalamatan din ni Domagoso ang Manila Local School Board sa pangunguna ni Dr. Sheryll Gayola sa pagsasakatuparan ng programa.
Binalikan din ng alkalde ang kanyang karanasan bilang produkto ng pampublikong edukasyon sa Maynila at kinilala ang mga gurong tumulong upang manatili siyang nag-aaral sa kabila ng mga pagsubok na kanyang hinarap noon.
Kasabay nito, inanunsyo rin ni Domagoso ang pagpapalawak ng fresh milk feeding program ng lungsod. Mula sa kasalukuyang 21,000 daycare enrollees, sasaklawin na rin nito ang tinatayang 60,000 mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 1 na mabibigyan ng gatas kada ibang araw simula ngayong Hunyo.
“Ang isang batang malusog, masigla, ay madaling matuto,” ani Domagoso. JAY Reyes