MANILA, Philippines – Sa ikalawang pagkakataon, hindi natuloy ang sesyon sa Senado dahil walang nang darating na miyembro ng Majority Bloc sa pamumuno ni Senate President Alan Peter Cayetano sa Senado.
Makikita sa sesyon ngayon na tanging miyembro ng Minority Bloc o Solid Bloc 11 (SB11) ang nagtungo sa plenaryo na tulad nitong Lunes, maghihintay sa pagbubukas dahil walang deklarasyon si Cayetano na kanselado ang pagpupulong.
Base sa Legislative Calendar ng Kongreso, nakatakdang mag-adjourn sine die ang sesyon sa June 4 hanggang sa pagbubukas ng 2nd Regular Session ng Kongreso sa July 26, 2026.
Nitong Lunes, nabigo ang Senado na buksan ang sesyon dahil hindi nakadalo ang majority bloc sa pamumuno ni Cayetano at tanging miyembro ng Minority Bloc ang present sa session hall sa pamumuno ni Senate Minority Leader Vicente Sotto III.
Ilang oras makalipas ang paghihintay ng minorya sa session hall, dinakip naman si Senador Jinggoy Estrada sa kasong plunder na may kaugnayan sa flood control scandal.
Ngunit, base sa records ng Senado noong nakaraang Miyerkoles, adjourned ang sesyon hanggang 5pm nitong Lunes matapos kuwestiyunin ni Sotto ang kawalan ng quorum na base sa Rules of the Senate, at hindi pagdedebatehan ang mosyon.
“They violated the Rules,” ayon kay Senador Francis “Kiko” Pangilinan.
Sa hiwalay na pahayag sa social media, sinabi ni Cayetano na hindi dumalo ang majority bloc sa Senado bilang pagpapahayag na mananatiling independent ang Mataas na Kapulungan sa “outside pressure.”
Hindi naman pinatulan ng SB 11 ang pahayag ni Cayetano sa pagsasabing “hindi Senate independence ang ginawa nila, kundi boycott of duty.”
“The Solid Bloc 11 minority senators were present today for the 5 p.m. resumption of session, ready to work, ready to vote on pending bills and ready to keep the Senate running, but the majority led by SP Cayetano chose not to show up,” ayon sa minorya.
Ayon naman kay Senador Juan Miguel Zubiri noong Lunes na hjndi nagalaw o naaksiyunan ang nakabinbin na panukala sa plenaryo na dapat natalakay na pakikinabang ng sambayanan.
Kabilang dito ang Magna Carta of Barangay Health Workers, Anti-Hospital Detention Bill, kumpirmasyon ng ilang matataas na opisyal ng Commission on Appointments at panukalang magbibigay ng Philippine citizenship kina athletes Bennie Boatwright III and Matthew James Ramos.
“Ang Senado ay hindi pag-aari ng iisang may hawak ng gavel. Institusyon ito ng taumbayan at napakadaming mahalagang panukala ang nabibinbin dahil sa drama ng mayorya,” ayon sa minorya.
Sa ngayon, parehong may tig-11 miyembro ang bawat kampo sa Senado na sinabi ni Senador Erwin Tulfo sa interview na may ilan silang nililigawan na miyembro ng majority bloc upang tumalon sa bakod ng minorya.
Ngunit, habang isinusulat ang balitang ito, nananatiling parehas 11 ang miyembro ng bawat bloke. Ernie Reyes