PATULOY na pinatutunayan ng pamahalaan na abot-kamay na ang pangarap ng mga pamilyang Pilipino na magkaroon ng sariling tahanan. Sa unang siyam na buwan ng 2026, naglabas ang Pag-IBIG Fund ng mahigit ₱111.29 billion na kabuuang pautang sa pabahay, isang 20 porsiyentong pagtaas sa halaga at 15 porsiyentong pag-angat sa bilang ng mga naipondohang bahay (68,514 yunit) kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Malaki ang naging ambag sa tagumpay na ito ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (Expanded 4PH) Program sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ayon kay Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary at Pag-IBIG Fund Board Chairman Jose Ramon P. Aliling, ang direktiba ng Pangulo na gawing mas accessible at abot-kaya ang disente at disenteng pabahay ay nagbubunga na ng makabuluhang resulta.
Malaking Tulong sa Minimum Wage Earners
Kapansin-pansin ang pagsipa ng socialized housing para sa mga minimum wage earner at pamilyang may mababang kita. Umakyat nang 173 porsiyento ang bilang ng mga tahanang napondohan, mula sa 3,987 yunit noong nakaraang taon tungo sa 10,904 yunit ngayong 2026.
Katumbas ito ng paglobo ng pondong inilaan sa socialized housing nang 172 porsiyento, mula ₱4.45 billion patungong ₱12.10 billion. Sa ngayon, halos 16 porsiyento na ng kabuuang mga tahanang pinondohan ng Pag-IBIG ang kabilang sa socialized housing, kumpara sa pitong porsiyento lamang noong 2025.
Malaki ang tulong dito ng subsidized 3% interest rate kada taon ng Pag-IBIG para sa mga kwalipikadong socialized housing borrower—dahilan upang ang buwanang hulog sa bahay ay mas mababa pa kaysa sa karaniwang binabayaran sa upa.
Suporta sa Middle-Income Sector at mga Developer
Bukod sa mga low-income sector, pinalawak din ng Pag-IBIG ang mga oportunidad para sa mga miyembro sa middle-income sector sa pamamagitan ng mga promotional interest rate na 4.5% at 5.75%, pati na ang pagpapataas ng maximum loan amount sa ₱10 million.
Upang matiyak na may sapat na supply ng mga bahay, naglabas din ang ahensiya ng ₱5.93 billion para sa pagpopondo ng mga proyektong pabahay sa ilalim ng Expanded 4PH (mas mataas nang 172% mula sa ₱2.18 billion noong 2025).
Katuwang din ng Pag-IBIG ang mga pangunahing property developer tulad ng Amaia Land, Avida Land, DMCI Homes, Federal Land, Filinvest Land, Megaworld, PH1 World Developers, Robinsons Land, Rockwell Land, at SMDC. Aktibo rin ang pakikipagtulungan nito sa Bases Conversion and Development Authority (BCDA) upang magtayo ng mga in-city housing project na malapit sa mga lugar ng trabaho sa New Clark City.
Tagumpay sa 2nd National Housing Expo
Ang lumalaking interes ng publiko ay nasamin din sa katatapos lamang na 2nd National Housing Expo noong Oktubre 19 at 20 sa SMX Convention Center, Pasay City.
Ayon kay Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Marilene C. Acosta, umabot sa 30,425 ang dumalo (mula sa 19,215 noong nakaraang taon), habang ang mga nagtanong tungkol sa pabahay ay pumalo sa 44,567. Nagtala rin ang expo ng 1,262 housing reservations mula sa mahigit 80 partner developers na nag-alok ng mahigit 50,000 yunit.
“We want more Filipino families to know that owning a home is possible, and that Pag-IBIG Fund is here to help them achieve it,” ani CEO Acosta. Sa pamamagitan ng mga programang ito, patuloy na isinusulong ng Pag-IBIG ang tunay na serbisyo para sa bawat pamilyang Pilipino






