MANILA, Philippines – Nagpaalala ang Philippine National Police sa lahat ng personnel na mahigpit na sundin ang mga traffic law at regulasyon ng iba pang ahensya ng gobyerno, kasunod ng mga ulat ng mga pulis na nahuli sa paglabag.
Binigyang-diin ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na dapat ang mga alagad ng batas ang unang sumusunod sa batas, at ang disiplina sa hanay ay hindi dapat isinasantabi.
Ayon sa kanya, ang uniporme at badge ng pulis ay simbolo ng rule of law at dapat itong ipakita sa tamang asal sa publiko.
Nag-ugat ang paalala matapos kumalat ang mga viral na larawan ng dalawang pulis na nakasakay sa motorsiklo nang walang suot na helmet.
Sinabi rin ni Nartatez na dapat papanagutin ang mga immediate commanders kung may mga paglabag sa ilalim ng kanilang nasasakupan, bilang bahagi ng mas mahigpit na pagpapatupad ng discipline at supervision sa loob ng organisasyon.
Idinagdag niya na bahagi ito ng Enhanced Managing of Police Operations kung saan dapat tiyakin ang maayos na gabay at pamamahala sa bawat unit ng pulisya.
Binigyang-diin pa niya: “Your men are your responsibility and if you fail to do your job of properly supervising them, then expect accountability to come next.” RNT/MND