Home NATIONWIDE 12 foreign nationals kabilang sa 21 patay sa sunog sa hotel sa...

12 foreign nationals kabilang sa 21 patay sa sunog sa hotel sa New Delhi

2
0

NEW DELHI, India – Umabot sa 21 katao, kabilang ang 12 dayuhan, ang nasawi sa sunog na sumiklab sa isang hotel sa Malviya Nagar, South Delhi nitong Miyerkules.

Ayon sa pulisya, isa ito sa pinakamalalang insidente ng sunog sa kabisera ng India mula noong 2022.

Hindi pa inilalabas ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga dayuhang biktima, ngunit iniulat ng lokal na media na may mga mula umano sa Bangladesh, Nigeria, Mozambique at Liberia.

Base sa mga saksi, ilang tao ang napilitang tumalon mula sa nasusunog na gusali upang makaligtas. Agad namang naglatag ng mga kutson sa kalsada ang mga residente upang mabawasan ang pinsala sa mga tumatalon.

Ayon sa mga rescuer, nagsimula ang apoy sa ground floor at unang palapag ng apat na palapag na gusali, dahilan upang ma-trap ang mga nasa itaas na bahagi nito.

Nagsimula ang sunog bago mag-alas-9 ng umaga at agad rumesponde ang walong fire trucks. Tuluyan itong naapula pagsapit ng tanghali.

Kabuuang 49 katao ang isinugod sa mga ospital habang walong sugatan ang agad ding nakalabas matapos magamot.

Hinala ng mga imbestigador, posibleng nagmula ang sunog sa isang restaurant na matatagpuan sa ground floor ng gusali.

Naaresto na rin ang may-ari ng gusali na si Lavkesh Bajaj habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente.

Nagpaabot naman ng pakikiramay si Indian Prime Minister Narendra Modi sa mga pamilya ng mga nasawi at tiniyak ang tulong para sa mga apektado. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here