MANILA, Philippines – Tiniyak ni Senador Panfilo Lacson na reresolbahan ng bagong liderato ng Senado sa pammuno ni Acting Senate President Pro-Tempore Sherwin “Win” Gatchalian na aaksiyunan at tututukan ang naunsiyaming kumpirmasyon ng 29 opisyal ng military at foreign service officers.
Sa pahayag, sinabi ni Lacson na gagawing prayoridad ng Senado ang naunsiyaming kumpirmasyon ng mga opisyal sanhi ng pagpapalit ng liderato sa Senado na nangyari sana nitong Miyerkoles.
Sinabi ni Lacson na tinitingnan ng liderato sa ilalim ni Gatchalian ang mga hakbang, kabilang ang paghiling sa Malacañang ng ad interim appointment para sa mga apektadong opisyal, at pagdaraos ng special session upang makumpirma sila ng Commission on Appointments.
“Naaawa kami una sa nakabinbin na confirmation na AFP officers. Kawawa sila kasi ang kanilang nomination was made when Congress was in session. Kanina lang kami nag adjourn sine die,” aniya.
“Alang alang sa magigiting nating opisyal, hihiling kami sa pangulo kung pwedeng tumawag ng special session para ma-convene ang CA,” dagdag niya.
Kasunod ng pagbabago ng liderato sa Senado na nagluklok kay Alan Peter Cayetano bilang Senate President noong Mayo 11, walang mga senador na nahalal bilang miyembro ng Commission on Appointments (CA). Ang CA ang may tungkuling kumpirmahin ang mga appointment ng mga opisyal ng AFP at ng mga foreign service officers.
Noong Miyerkules, muling nagkaroon ng pagbabago sa liderato ng Senado, kung saan si Gatchalian ang naging Senate President Pro Tempore at acting Senate President.
“Dala namin ito, sa tamang tiyempo ang kanilang pag nominate pero dahil nagkagulo sa Senado hindi ma-convene ang CA,” ani Lacson. Ernie Reyes