Home TOP STORIES DILG Usec. Mabilog, binatikos ng Iloilo mayor sa isyu ng rice program

DILG Usec. Mabilog, binatikos ng Iloilo mayor sa isyu ng rice program

51
0

Umani ng batikos mula kay Anilao, Iloilo Mayor Matet Debuque si Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary for Public Safety Jed Patrick Mabilog kaugnay ng naging tugon umano nito sa mga alalahanin hinggil sa Rice Program na ipinapatupad sa pamamagitan ng mga local government units (LGUs).

Si Debuque, na siya ring Vice President ng League of Municipalities of the Philippines (LMP) Iloilo Chapter, ay nagbahagi ng kanyang salaysay hinggil sa naging pag-uusap nila ni Mabilog sa isang paliparan.

Ayon kay Debuque, nilapitan niya si Mabilog upang ipaabot ang kanyang obserbasyon sa mga panuntunan at polisiya ng Rice Program.

“When I approached him, I said, ‘Usec (Mabilog), I’m not asking for any project from you, but it’s good that you are now at the DILG. I just want to convey to you, please look into the guidelines and policies being downloaded by the DILG to LGUs, particularly the Rice Program. It seems unresponsive,’” ani Debuque.

Sinabi ni Debuque na sa halip na direktang tugunan ang kanyang punto, ilang beses umanong sumagot si Mabilog ng, “Gugma ako, hindi ako Rise.”

Ayon pa kay Debuque, nilinaw niya na Rice Program ang kanyang tinutukoy ngunit kapareho pa rin umano ang naging tugon ni Mabilog.

Kalaunan, sinabi ni Debuque na naisip niyang maaaring tumutukoy si Mabilog sa “Rise Iloilo,” isang tagline na ginagamit ng Iloilo City.

Matatandaang sinuportahan ni Mabilog noong 2025 elections ang Team Sulong Gugma na pinamumunuan ni Iloilo City Rep. Julienne “Jamjam” Baronda.

Samantala, si Mabilog ay dating nagsilbing alkalde ng Iloilo City mula 2010 hanggang 2017. Noong 2017, umalis siya ng bansa matapos siyang maiugnay ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ilegal na droga, mga alegasyong kanyang itinanggi.

Sa hiwalay na usapin, iniutos ng Office of the Ombudsman noong 2017 ang kanyang dismissal mula sa serbisyo kaugnay ng isang administrative case. Kalaunan, nabigyan siya ng executive clemency ng Malacañang para sa kaukulang administrative penalties.

Nakaharap din si Mabilog sa kasong graft kaugnay ng isang government contract, na nananatiling bahagi ng mga rekord ng korte. Nang magbalik siya sa bansa, naghain siya ng piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan habang dinidinig ang kaso.

Sa oras ng paglalathala, wala pang pahayag si Mabilog hinggil sa mga naging pahayag ni Debuque. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here