MANILA, Philippines – Itinuturing ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan na bogus o peke ang isinagawang pagdinig ni Senador Pia Cayetano ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa ilang personalidad na tumanggap ng male-maletang kickback sa flood control scandal.
Sa pahayag, sinabi ni Pangilinan, miyembro ng 12 senador na nagbukas at nagsara ng sesyon ng Senado sa paksiyon ni acting Senate President Pro-Tempore Sherwin Gatchalian na isa itong malaking insulto hindi lamang sa Senado kundi sa bawat Pilipinong nagbabayad ng buwis.
“Bawat minutong ginugugol sa palabas na ito, binabayaran ng taumbayan mula sa kanilang pinaghirapang kita.”
“Mandato ng Senado ang ipagtanggol ang Konstitusyon, bantayan ang anumang pang-aabuso, at gumawa ng mga batas na makatutulong sa mamamayan. Kaya naman nananawagan kami sa aming mga kasamahan na tigilan na ang pekeng “hearing” na ito at igalang ang mga patakaran, ang quorum, at ang lehitimong pamunuan ng Senado,” ayon kay Pangilinan.
Aniya, tumangging dumalo ang paksiyon ni Senate President Alan Peter Cayetano sa sesyong legal at maayos na ipinatawag pero ngayon nagtitipon sila sa isang hindi opisyal at hindi awtorisadong pagtitipon para mag-ingay at manggulo.
“Mas nakababahala pa rito ang mga ulat na
tinatakot umano nila ang mga empleyado ng Senado at pinagbabantaan ng mga kaso
kapag hindi sila sinunod. Lingkod-bayan lamang ang mga kawani ng Senado na
ginagawa ang kanilang trabaho alinsunod sa batas at sa kinikilalang pamunuan ng
institusyon,” giit ng senador.
Gaya ng binigyang-diin ni Acting Senate
President Sherwin Gatchalian kaninang umaga, sinabi ni Pangilinan na walang nakaiskedyul na
opisyal na pagdinig ng Senado ngayon.
“Walang batayan sa mga tuntunin, kalendaryo, at awtoridad ng Senado ang anumang tinatawag na “hearing” na ipinatawag nina Senators Alan Peter Cayetano, Pia Cayetano, Robin Padilla, Imee Marcos, at Rodante Marcoleta,” ayon kay Pangilinan.
“Ang nakikita natin ngayon ay isang lantad
na pag-agaw sa kapangyarihan na binibihisan lamang ng mga salitang “imbestigasyon” at “oversight.” Isa itong pansariling palabas ng mga taong pilit kumakapit sa mga posisyong nawala na sa kanila matapos ang isang balido at konstitusyonal na reorganisasyon ng Senado,” ani pa ng senador mulang Pampanga.
Iginiit ni Pangilinan na sa halip na dumalo
sa mga sesyon at magtrabaho para sa mga batas na magpapababa ng presyo ng bilihin, lilikha ng trabaho, at magbibigay-proteksiyon sa mga magsasaka, manggagawa, at mahihirap na pamilya, mas pinili nilang sayangin ang oras at
pera ng bayan para sa sarili nilang agenda sa pulitika.
“Hindi dasurb ng taumbayan ang ginagawa
niyo. Ang dasurb ng nagpapasweldo sa atin, #TrabahoHindiDrama,” ayon kay Pangilinan. Ernie Reyes