MANILA, Philippines – ITINUTURING ng Malakanyang na paninira lamang ang napaulat na may mga cabinet members di umano ang maraming beses na tinangkang kausapin si Senador Jinggoy Estrada para talikuran nito ang ‘independent majority bloc’ kapalit ng pagbasura sa kanyang kaso.
“Unang-una, ano po ba ang kapangyarihan ng mga miyembro ng gabinete na mangako sa isang tao na di umano’y sangkot sa anomalya? na sasabihin na wala ka ng kaso. wala silang karapatan, wala silang kapangyarihan. Ang kapangyarihan ng pag-iimbestiga ay nasa kamay ng Office of the Ombudsman o ng DoJ. So, nasa Office of the Ombudsman ang pagrerekumenda kung idi-dismiss ang kaso o isasampa ang kaso. walang kinalaman doon ang gabinete,” ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.
Ang hirap kasi aniya ngayon, mas marami ayon kay Castro ang paninira kung saan sa paninira na lamang kumakapit ang mga nagpapalutang na may ganitong insidente para iangat ang kanilang sarili.
Nauna rito, sinabi ni Estrada na maraming beses siyang inalok na talikuran ang independent majority bloc kapalit ang pagbabasura sa kanyang kaso, ngunit hindi niya ito tinanggap dahil mas nanaig ang paninindigan niya na manatili sa hanay ng mga kasamahan sa independent majority bloc. KRIS JOSE