MANILA, Philippines – Matinding itinanggi ni Palawan 2nd District Rep. Jose Alvarez ang alegasyon ng 18 dating sundalo na tumanggap siya ng maleta ng salapi mula kay dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co na kickback sa flood control funds.
Sa kanyang pagdalo sa ginanap na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Sub-Committee sa pamumuno ni Senador Rodante Marcoleta na wala siyang tinanggap na kahit magkano kay Co dahil wala silang utang o walang utang ng kongresista sa kanya.
“Wala akong natanggap, walang utang si Zaldy Co sa akin. Wala din akong utang sa kanya at wala kaming transaksiyon. Wala kaming transaksiyon na maaari ko siyang bigyan ng pera o maaari nya akong bigyan ng pera,” ayon kay Alvarez.
Idinawit si Alvarez ng 18 dating sundalo kabilang sina Senador Loren Legarda at Mark Villar na tumanggap ng maleta mula kay Co. Bukod kina Alvarez, Legarda at Villar, idinawit din ng sundalo si Senador Vicente Sotto III at Erwin Tulfo.
Kapwa pinabulaanan nina Sotto at Tulfo ang paratang ng 18 sundalo. Wala pang statement mula kina Legarda at Villar sa naging pahayag ng mga sundalong testigo.
“Binanggit ang pangalan ko, kawawa naman ang pamilya ko, hinahanap sa akin ung maleta,” ayon kay Alvarez.
“I vehemently denied na mayroon akong natanggap. Hindi ko sinasabi na hindi totoo ang mga sinasabi ng mga Marines, at wala akong tinanggap personally for me,” giit ng kongresista na personal na nagtungo sa Senado hinggil sa isyu ng maleta.
“Modesty aside, ganito lang po ang buhay ko, hindi naman ako naghahangad ng male-maletang pera, iyon lang po,” ani pa ni Alvarez. Ernie Reyes