Home NATIONWIDE Marcos bukas sa special session kung ihihirit ng kampo ni Gatchalian —...

Marcos bukas sa special session kung ihihirit ng kampo ni Gatchalian — Malakanyang

5
0

MANILA, Philippines — Nakahanda si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magpatawag ng special session ng Kongreso kung pormal itong hihilingin ng grupong pinamumunuan ni Senador Sherwin Gatchalian, ayon sa Malacañang.

Ito ay matapos mabalam ang pagtalakay ng Senado sa ilang panukalang batas at kumpirmasyon ng mga heneral dahil sa sigalot sa liderato ng kapulungan bago ang sine die adjournment.

Ayon kay Communications Undersecretary Claire Castro, agad na kikilos ang Pangulo sa oras na makatanggap siya ng opisyal na kahilingan mula sa bagong liderato ng Senado.

“As soon as the new leadership will send the official request for a special session addressed to the president, then the president will act immediately on that,” ani Castro.

“Inclined ang Presidente [to] give in to the official request for the special session. Bakit? Kasi kung marami maantala dahil sa mga nangyayaring ganitong kaganapan,” dagdag niya.

Nauna nang kinilala ng Malacañang ang pagiging lehitimo ni Senador Sherwin Gatchalian bilang Senate president pro tempore at de facto leader ng Senado matapos siyang suportahan ng 12 senador.

Ayon sa Palasyo, 22 na lamang ang itinuturing na aktibong miyembro ng Senado matapos maaresto si Senador Jinggoy Estrada sa kasong plunder at muling magtago si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa upang umiwas sa warrant of arrest na inilabas ng International Criminal Court (ICC).

Sinabi ni Castro na nais ng Pangulo na magpatuloy ang trabaho ng Senado at malabong tanggihan ang anumang kahilingan para sa special session kung may sapat na batayan ito.

Sa ilalim ng Artikulo VI, Seksyon 15 ng 1987 Konstitusyon, ang Pangulo lamang ang may kapangyarihang magpatawag ng special session ng Kongreso anumang oras.

Bagama’t wala pang tiyak na listahan ng mga panukalang batas na tatalakayin sa posibleng special session, sinabi ni Castro na kabilang sa mga prayoridad ng administrasyon ang pagpasa ng anti-political dynasty bill.

“Tingnan po natin muna kung ano ang special request nila, kasi ang gusto po talaga ng Pangulo sa ngayon, ito ang isa sa priority bills niya po ang anti-political dynasty, gusto niya po talaga itong maipasa,” ani Castro.

Gayunman, sinabi ng Palasyo na kailangan munang ayusin ng Senado ang mga suliranin nito sa loob bago tuluyang makausad ang mga nakabinbing usapin. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here