Home METRO Swimming ban sa Bacuit Bay sa El Nido, ikinasa vs  wastewater problem

Swimming ban sa Bacuit Bay sa El Nido, ikinasa vs  wastewater problem

4
0

EL NIDO, Palawan — Mananatiling ipinagbabawal ang paglangoy sa Bacuit Bay dahil sa patuloy na mataas na antas ng coliform sa tubig habang hinihikayat ng Department of Environment and Natural Resources–Environmental Management Bureau (DENR-EMB) ang lokal na pamahalaan na pabilisin ang mga hakbang sa wastewater management.

Sa isinagawang inspeksyon, sinabi ni DENR-EMB Mimaropa Regional Director Joe Amil Salino na paulit-ulit nilang natutuklasan ang pagdaloy ng hindi nalinis na wastewater mula sa mga drainage outfall patungo sa baybayin, partikular sa Barangay Masagana.

“Kahapon medyo malinis-linis pero ngayon ito maitim na naman. So ito ang process talaga na nagkakaroon tayo na untreated wastewater lumalabas sa Masagana outfalls,” ani Salino.

Ayon sa opisyal, ilang buwan nang nagsasagawa ang EMB ng dye-tracing operations upang matukoy kung maayos na dumadaan sa sewage treatment plants ang wastewater ng mga establisimyento o kung may mga bypass na nangyayari.

“Regular ang ginagawa natin para makita natin kung may mga bypass. So kami kasi based on facts tayo,” dagdag niya.

Naglabas na rin umano ang EMB ng Notices of Violation laban sa mga establisimyentong lumalabag sa wastewater regulations. Maaari umanong umabot sa Pollution Adjudication Board ang mga kaso na may kapangyarihang magpataw ng multa o closure orders sa ilalim ng Clean Water Act.

“Ang penalty ngayon under the Clean Water Act is PHP10,000 a day. So from the time na maglabas until hindi nila makorrect,” sabi ni Salino.

Bagama’t patuloy ang pagbabantay ng EMB sa mga negosyo at establisimyento, binigyang-diin niya na malaking bahagi ng problema ay nagmumula sa domestic wastewater mula sa mga kabahayan na saklaw ng responsibilidad ng lokal na pamahalaan.

“Ito talaga ang ano namin mga domestic waste na galing from household. Ito dapat talaga i-address ito with the local government,” aniya.

Samantala, sinabi ni El Nido Municipal Mayor Edna Gacot Lim na may nakalaan nang pondo para sa pagtatayo ng cluster tank at treatment system sa Barangay Masagana ngunit nahaharap ito sa mga isyu sa lokasyon at permit dahil sakop ng protected area ang El Nido.

“Sa side ng LGU recommendation yun ng DENR, so far may pondo na yan na magkakaroon ng cluster tank sa Masagana kasi yang outfall na yan ay part ng Barangay Masagana nagkataon lang na nahihirapan kami maghanap ng area,” ani Lim.

Nanawagan din siya sa DENR na mapabilis ang pagproseso ng mga permit sa oras na maisumite ng LGU ang mga kinakailangang dokumento.

Dahil sa patuloy na mataas na coliform levels, sinabi ni Salino na mananatili ang swimming ban sa buong Bacuit Bay. Gayunman, nilinaw niyang maganda pa rin ang kalidad ng tubig sa mga island destinations ng El Nido.

“Sa mga island destinations natin maganda ang water quality analysis,” aniya.

Binigyang-diin ni Salino na kinakailangan ang mas mabilis na pagkilos ng lahat ng sektor upang maprotektahan ang karagatan ng El Nido at maresolba ang matagal nang problema sa drainage at wastewater infrastructure.

“Sayang ang ganda ng El Nido kung sirain lang natin,” aniya. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here