ILOCOS SUR-Hindi nakaligtas sa kalawit ni kamatayan ang isang 27-anyos na lalaki samantalang sugatan ang 24-anyos na angkas nito matapos bumangga sa wire fence ang kanilang motorsiklo nitong Huwebes ng gabi, Hunyo 4.
Ayon sa Magsingal Municipal Police Station, ang driver ng Nmax 155 motorcycle at ang angkas nito ay parehong residente ng naturang bayan.
Bumibiyahe ang motorsiklo papuntang kanluran nang mawalan ng kontrol sa manibela ang driver kaya napunta sa kabilang lane at dumeretso sa wire fence ang kanilang sasakyan.
Parehong sugatan ang driver at angkas nito na agad namang naisugod sa Ilocos Sur District Hospital sa naturang bayan.
Gayunman, idineklarang dead on arrival ang driver samantalang inilipat naman sa Ilocos Sur Provincial -Gabriela Silang ang angkas nito.
Nabatid na nakainom ang driver nang mangyari ang aksidente. Rolando S. Gamoso