CAUAYAN CITY, Isabela – Hanggang sa ngayon ay nagpapagaling ang hepe ng Cauayan City Police Station matapos magtamo ng sugat nang masunog ang kanyang opisina
Dahil sa insidente, nagtamo ng mga sugat sa kamay, ulo, at leeg si PLtCol. Avelino Canceran Jr. at agad na isinugod sa isang pribadong pagamutan sa Cauayan City bago ilipat sa isang ospital sa Tuguegarao City para sa karagdagang gamutan.
Dakong alas-10:35 ng gabi nang magkaroon umano ng electrical spark sa isang bahagi ng administrative building dahilan upang maalerto ang mga nakaduty na pulis at agad na maipagbigay-alam sa Bureau of Fire Protection (BFP).
Agad namang rumesponde ang mga bumbero at tuluyang naideklarang fire out ang sunog dakong alas-11:19 ng gabi.
Batay sa paunang imbestigasyon ng BFP, lumalabas na posibleng nagsimula ang sunog matapos magkaroon ng electrical ignition sa isang outlet na matatagpuan malapit sa bintana ng opisina. Pinaniniwalaang dulot ito ng water leakage sanhi ng malakas na pag-ulan sa lugar.
Tinatayang umabot sa humigit-kumulang P700,000 ang halaga ng pinsalang idinulot ng sunog. Ayon naman sa kapulisan, nasa maayos na kondisyon at conscious ang hepe matapos ang insidente.
Samantala, tumanggi munang magbigay ng karagdagang detalye ang BFP kaugnay ng kanilang imbestigasyon dahil sa nagpapatuloy na pagsisiyasat at kahilingan ng Philippine National Police.
Inaasahang maglalabas ng opisyal na pahayag ang mga awtoridad sa oras na makumpleto ang imbestigasyon at matukoy ang eksaktong sanhi ng sunog. Rey Velasco