Home OPINION BATAS REBISAHIN, HUWAG DOLE SISIHIN

BATAS REBISAHIN, HUWAG DOLE SISIHIN

3
0

MULI nating balikan ang isyu ng pagguho ng isang underconstruction building sa Pampanga na ikinasawi ng humigit kumulang 20 katao kabilang ang isang sanggol sa huling talaan.

Nagbukas kasi ito ng mahahalagang usapin tungkol sa kaligtasan at kalusugan ng mga manggagawa sa Pilipinas. Bagama’t mayroong mga umiiral na batas tulad ng Republic Act No. 11058 (Occupational and Safety Health standard Law) at mga implementing rule nito, malinaw na may mga puwang pa rin sa continual improvement mga regulasyon na kailangang repasuhin at palakasin.

Samu’t-saring reaksyon ang ating natunghayan sa social media kaugnay ng pangyayaring ito. May netizens na sinisisi ang may-ari ng building at kontraktor gayundin ang kapabayaan ‘raw” ng local government unit at nasyonal katulad ng Department of Labor and Employment. Pero paalala lamang sa mga netizen, gumugulong pa ang imbestigasyon at hindi ito ang tamang panahon para magsisihan.

Mahalagang maunawaan ng lahat ang papel ng DOLE. Kumikilos lamang ang ahensiya ayon sa mandato, kapangyarihan, at limitasyong itinakda ng batas. Kung kulang ang bilang ng labor inspector para mabantayan ang libu-libong establisimyento sa buong bansa, ang pangmatagalang solusyon ay nakasalalay sa Kongreso sa pamamagitan ng paglikha ng karagdagang mga posisyon, sapat na pondo, at mas malawak na kapangyarihan para sa inspeksiyon at enforcement.

Dapat ding suriin ang mga probisyon ng National Building Code of the Philippines, mga regulasyon sa konstruksyon, at maging ang mga patakaran kaugnay ng worker accommodation o barracks sa construction sites.

Sa maraming bansa gaya ng Singapore at Australia, may mahigpit na pamantayan para sa ligtas na tulugan, structural integrity, fire protection, emergency exits, at regular inspection ng mga dormitoryo ng manggagawa. Ang probisyon para sa ligtas na area sa accommodation ay hindi pa ganap na malinaw sa ilalim ng Department Order No. 253-25.

Kabilang sa mga rekomendasyong maaaring pagbatayan ng Kongreso ang: pagdaragdag ng labor inspectors; pagbibigay ng legal na papel sa mga DOLE-accredited Occupational Safety and Health practitioners at consultants bilang katuwang sa compliance verification; obligadong third-party structural safety audits para sa high-risk projects; mas mahigpit na regulasyon sa worker accommodations; at paggamit ng digital monitoring systems para sa audit and inspection checklist at real-time reporting ng mga panganib sa lugar ng trabaho.

Ang kaligtasan ng manggagawa ay hindi lamang usapin ng pagsunod sa batas. Ito ay usapin ng pambansang pananagutan. Kung nais nating maiwasan ang mga trahedyang tulad ng nangyari sa Pampanga, kinakailangan ang mas matibay na batas, sapat na pondo, at mas malawak na suporta sa mga institusyong nangangalaga sa buhay ng bawat manggagawang Pilipino.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here