Home NATIONWIDE DepEd naglabas ng bagong guidelines sa class suspension

DepEd naglabas ng bagong guidelines sa class suspension

4
0

MANILA, Philippines – Naglabas ang Department of Education (DepEd) ng bagong guidelines na makatutulong sa mga paaralan na magdesisyon sa panahon ng masamang panahon at iba pang emergency na maaaring makaapekto sa mga klase.

Sa pahayag, sinabi ng ahensya na nag-isyu ito ng DepEd Order No. 14 na nagbibigay ng “clearer framework” para sa school heads, division alternative learning system focal points at schools division superintendents kung gagawa ng desisyon sa panahon ng bagyo, baha, lindol, matinding init, health crisis, karahasan, armed conflict at iba pang emergency.

Ipinakilala sa polisiya ang learning continuity framework na may apat na lebel at layong tulungan ang mga paaralan sa pagpili ng nararapat na tugon batay sa kaligtasan, kahandaan at kondisyon ng mga estudyante at guro.

Ang unang lebel ay tinawag na “hayo” o continue, kung saan ang regular in-person classes ay itutuloy matapos ideklarang ligtas ang stakeholders.

Ang ikalawang lebel naman ay “hinay” o ease-in kung saan mas mabagal o mas flexible learning pace ang gagawin sa panahon ng mild disruptions.

Sa ilalim naman ng ikatlong lebel o “hinga” o check-in, ang academic demands ay babawasan at isasaprayoridad ang kapakanan ng mga estudyante at guro.

Sa ikaapat na lebel o “hinto” o stop, magkakaroon ng pagtigil sa pag-aaral dahil ikinokonsidera nang at risk ang kaligtasan at pangangailangan ng mga tao.

Ang polisiya ay nagbibigay din ng capacity building para sa mga guro kaugnay sa trauma-informed teaching, psychological first aid at learning delivery sa iba’t ibang emergency levels.

Inatasan din ang regional at school division offices na sumuporta sa mental health ng mga guro at magbigay ng emergency assistance, lalo na sa high-risk o under-resourced areas.

Hinihikayat din ang school heads na makipag-ugnayan sa school division superintendents at local government officials sa pagdedesisyon ng class cancellations at masigurong ang mga suspensyon ay “highly localized” at batay sa aktwal na kondisyon ng komunidad.

Ayon sa DepEd, ang bagong guidelines ay layong maiwasan ang automatic suspension ng mga klase kung ligtas at handa naamn ang mga estudyante at guro.

Layon ng polisiya na sumuporta sa umiiral na guidelines sa class at work suspensions sa mga paaralan sa panahon ng kalamidad at emergency. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here