Home NATIONWIDE P7.7M misdeclared na carrots nasabat sa Port of Manila

P7.7M misdeclared na carrots nasabat sa Port of Manila

4
0

MANILA, Philippines – TINATAYANG nasa P7.7 milyong halaga ng mga ismagel na agricultural goods ang nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) matapos matuklasan ang mga shipment ng sariwang karot na itinago sa apat na container van sa Port of Manila.

Ayon sa BOC, bahagi ito ng pinaigting nilang kampanya laban sa agricultural smuggling upang maprotektahan ang mga lokal na magsasaka laban sa hindi patas na kompetisyon sa merkado.

Dumating ang mga shipment sa Port of Manila noong Marso 22 at 25, 2026 at idineklara bilang iba’t ibang food products tulad ng egg noodles, flat noodles, soya wrappers, fish tofu, at wakame salad.

Gayunman, matapos makatanggap ng impormasyon ang pantalan hinggil sa posibleng paglabag, agad na nagpalabas ng Alert Orders ang BOC upang masusing inspeksyunin ang mga kargamento.

Sa isinagawang 100 porsiyentong physical examination ng mga Customs examiner, natuklasan ang 12,909 kahon ng misdeclared na sariwang karot at 1,452 kahon ng egg noodles. Tinatayang nagkakahalaga ng ₱6.97 milyon ang mga karot habang nasa ₱773,557 naman ang halaga ng egg noodles, dahilan upang umabot sa mahigit ₱7.74 milyon ang kabuuang halaga ng mga shipment kasama ang kaukulang buwis at taripa.

Dahil dito, naglabas ang BOC ng Warrants of Seizure and Detention noong Mayo 11 at 22, 2026 laban sa mga nasabing kargamento. Kalaunan ay ipinag-utos ang forfeiture ng mga ito pabor sa gobyerno dahil sa paglabag sa Sections 117 at 1400 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), kaugnay ng Section 1113 ng parehong batas at Republic Act No. 10845 o Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016.

Ayon kay Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno, hindi nila hahayaang makalusot ang mga shipment na gumagamit ng misdeclaration at iba pang mapanlinlang na pamamaraan upang makaiwas sa tamang pagbabayad ng buwis at pagkuha ng kinakailangang permit. Aniya, lalo pang paiigtingin ng ahensiya ang operasyon laban sa agricultural smuggling upang maprotektahan ang kabuhayan ng mga lokal na magsasaka.

Binigyang-diin ng BOC na mananatili itong nakatuon sa pagpapalakas ng border enforcement, pagpigil sa agricultural smuggling, at pangangalaga sa kapakanan ng mga Pilipinong magsasaka at mamimili. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here